IPINAGMAMALAKI ni Piolo Pascual na taun-taon siyang sumasailalim sa drug tests. Bahagi raw iyon ng kanyang yearly general check-up.
“Kasama ‘yun sa general check-up ko every year. It is just to make sure na whatever happens at makikita ng mga doctor sa check-up ko, eh, at least I know,” sabi ni Papa P nang makausap namin sa presscon ng kanyang Sunpiology Run: Sugar Wars na walong taon nang sunud-sunod na very successful, sa pakikipagtulungan niya sa Sun Life Financial.
Ngayong taon, gaganapin ito sa November 19 sa Camp Aguinaldo, QC.
Hindi kaya dapat niyang payuhan ang kapwa niya mga artista na maging regular din ang pagpapa-drug test?
“Dapat lang naman talaga na gawin nila ‘yun. I mean, para iwas isyu, ‘di ba?” sagot agad ng actor.
Mainit ang baliktaktakan ngayon sa social media bunsod ng pahayag ni Agot Isidro laban kay Presidente Rodrigo Duterte. Ano ang komento ni Piolo hinggil dito?
“Well, I feel bad for Agot, but I am not in the position to comment. Pero dapat respetuhan lang. Well, I am always for Duterte, eversince. But in this business, whatever you say is magnified, so better still not to comment about that and just pray for it. I am praying for our president because we need a president,” sey ng sikat na actor.
Ano naman ang masasabi niya hinggil sa sinasabing listahan ng 20-30 showbiz drug personalities na hawak ni Pres. Duterte? Dapat nga bang isapubliko ang mga pangalang ito?
“Well, kung puwedeng huwag na lang sana. Puwede naman nating pangaralan privately para huwag naman mapahiya. At least they will learn din naman. But, really, I felt bad for Mark Anthony (Fernandez), it broke my heart.
“Pero ‘yun talaga ang hirap, sana ‘di tayo magamit the same with other people. Mahirap kasi ma-embarass,” naiiling na banggit ng Kapamilya actor.
Napapanatili ni Piolo Pascual ang kanyang magandang imahe sa publiko, willing ba siyang maging ambassador para sa kampanya ni Presidente Digong laban sa bawal na gamot, kung sakaling kunin siya ng administrasyon?
“Then, why not, ‘di ba? I am more than willing din naman,” walang kagatul-gatol na sagot ni Papa P.
Bilang masugid na supporter ni Pres. Duterte, ano ang masasabi niya sa kapwa niya supporters ng pangulo na walang awa ang pang-iinsulto kay Agot Isidro?
“Well, kanya-kanyang respetuhan na lang, just like what I said. We have our social responsibility and whatever we have said, eh, opinion natin ‘yan, we are entitled to our own opinion so, respetuhan lang,” sagot niya.
Samantala, hindi naniniwala si Piolo sa intriga na pinagtatakpan daw ng network ang totoong resulta ng mga boluntaryong nagpa-drug test.
“Sa totoo lang, eh, meron naman talaga tayong responsibilidad sa audience natin, kaya dapat lang naman na magpa-voluntary drug test. Pero, I guess, ‘di pwedeng ma-tampered ‘yan,” pahayag ni Papa P.
Samantala, siguradong dadalo si Piolo sa Star Magic Ball sa October 22. Sa katunayan, excited na siya.
“Para sa Star Magic artist, do’n mo lang nakikita ‘yun and everyone bihis na bihis excited also to see my friends na hindi ko na nakikita nang matagal na. Kung tatanungin ninyo ako kung may partner ako, eh, marami kaming single ngayon, eh, kaya magkaka-table na lang kami,” napatawa pang pagtatapos ng sikat na actor. (JIMI ESCALA)