Laro Ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
7 n.g. -- Ginebra vs Meralco
Meralco vs Ginebra, upakan muli sa Game 3 ng PBA tilt.
Patas ang laban, walang tulak-kabigin ang sukat na determinasyon ng Bolts at Kings.
Muli, inaasahan ang dikdikan at matira ang matibay na level ng aksiyon sa paghaharap ng Meralco at Barangay Ginebra sa Game 3 ng OPPO-PBA Governor’s Cup best-of-seven titular showdown ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Tabla ang serye sa 1-1 at kung pagbabasehan ang kumpiyansang taglay ng Kings matapos ang klasikong 82-79 panalo sa Game 2, inaasahang dadagundong ang Big Dome ng hiyawan ng mga tagahanga ng Kings.
Nasungkit ng Bolts ang Game 1 sa makasaysayang 109-114 overtime win.
Nagsilbing bayani sa panalo ng Kings si Sol Mercado, bukod sa naisalpak na game winning shot, ay ang malapader na depensang ibinakod kay Conference Best Import awardee Allen Durham.
Ayon kay Bolts coach Norman Black, sisikapin niyang makapag-adjust sa defensive rebound.
“It’s our priority for the rest of the series, which is now down to best-of-5,” pahayag ni Black.
“They got a lot of offensive rebounds and we paid the price for it,” aniya.
Inaasahan namang muling pag-iibayuhin ng Kings ang kanilang depensa upang makamit ang back-to-back win.
Bukod kay Mercado, inaasahan ding mamumuno sa hangad nilang 2-1 bentahe sina import Justin Brownlee, LA Tenorio at rookie na si Scottie Thompson.
Maliban naman kina Durham at Hugnatan, tiyak na magkukumahog upang ibawi ang Bolts sina Jimmy Alapag, Cliff Hodge at Chris Newsoms.