Kulungan ang bagsak ng isang sales consultant matapos ireklamo ng panghahalay ng isang kahera na una umanong nilasing sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kasong rape ang kinakaharap ni Mark Joseph Reyes, 22, ng No. 20 Judge Oreta Street, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng biktima, 23, kay Sr. Insp. Rosalitt Avila, head ng Women’s and Children and Protection Desk (WCPD), nag-text sa kanya ang kanyang kaibigan na si “Maricar” at nag-aya na mag-sleep over sa kanilang bahay.
Pagkagaling sa trabaho ay dumiretso na umano ang biktima sa bahay ni Maricar at pagkatapos maghapunan ay nag-inuman.
Dakong 1:00 ng madaling araw, dumating si Reyes at dahil kaibigan din ito ni Maricar, inaya na nila ang binata sa inuman.
“Nalasing po siya (biktima) kaya dinala ko na siya sa tutulugan niya, tapos natulog na din ako habang si Mark ay nahiga na sa sala,” kuwento ni Maricar.
Pagsapit ng 4:30 ng madaling araw, nagising umano si Maricar at nagulat nang makitang papalabas ng kuwarto ng biktima ang suspek.
Agad umanong nagtungo si Maricar sa kuwarto ng biktima at dito na nakita ang bahid ng dugo sa kama at napansin din umano niya na baliktad na ang panty ng biktima.
Palihim na nagtungo sa pulisya ang magkaibigan at ipinakulong ang suspek. (Orly L. Barcala)