TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Dumami pa ang kaso ng chikungunya sa bayan ng Indang makaraang makapagtala ng halos 300 kaso sa 11 barangay sa loob lamang ng dalawang araw, iniulat kahapon ng Provincial Health Office (PHO).

Sinabi ni Health Education Promotion Officer II Annabelle R. Dilig, batay sa report ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) nitong Oktubre 6, na may kabuuang 786 na kaso ng chikungunya sa 11 barangay sa Indang.

Nadagdagan ng 274 ang mga kaso ng chikungunya, na nasa 512 lang sa report ng PESU nitong Oktubre 4.

Nagdeklara na si Dr. George R. Repique, PHO director, ng chikungunya outbreak sa Indang dalawang linggo na ang nakalipas dahil sa mabilis na pagdami ng dinadapuan ng sakit.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Dahil sa outbreak, isinailalim naman ni Mayor Perfecto V. Fidel sa state of calamity ang buong Indang.

Sa isang panayam, sinabi ni Dilig na ang pinakaapektadong barangay sa nakalipas na mga araw ay ang Guyam Malaki, Agus-os, Daine II, Calumpang Cerca at Guyam Munti, habang apektado rin ng sakit ang mga barangay ng Daine I, III, Kaytambog, IV, Buna Lejos II at Alulod.

Mayroong 36 na barangay sa Indang, at dinapuan ng chikungunya ang nasa apat na buwan hanggang 87 anyos.

Sinabi ni Dilig na bagamat kapareho ng dengue ang mga sintomas, gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagkahilo at mga pantal sa balat, hindi nakamamatay ang chikungunya na tulad ng dengue. (Anthony Giron)