Hindi na mabo-bored ang mga pasahero.
Inihayag kahapon ng Philippine Ports Authority (PPA) na mayroon nang libreng Wi-Fi access para sa mga pasahero sa 67 terminal sa bansa.
Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, layunin nitong matiyak na magiging kumportable ang mga pasahero habang naghihintay sa sasakyan nilang barko.
Kasabay nito, sinabi ni Santiago na sinimulan na rin ng PPA ang pagpapatupad ng mas istriktong security check sa mga pantalan, gaya ng ginagawa rin ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority, lalo na ngayong malapit na ang Undas.
“We can’t take for granted the security of our ports and the riding public. We should always be cautious and alert while making sure that passengers are comfortable while inside the terminals,” sabi ni Santiago.
Nananatiling nasa heightened alert ang mga pantalan sa bansa kasunod ng pambobomba sa Davao City night market noong Setyembre 2. (Argyll Cyrus B. Geducos)