Dahil tila kumikilos pa rin umano bilang isang alkalde ng isang bayan, binigyan ng incomplete na grado ng isang pari si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang 100-araw bilang pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Fr. Ranhillo Aquino, dean ng San Beda College Graduate School of Law, malaki rin ang suliranin ngayon ng bansa sa usapin ng foreign policy at sa pagnenegosyo dahil maraming dayuhang mamumuhunan ang umaalis.
“Incomplete ang ibibigay ko, this is always be my concern, no doubt the President is eager regarding sa droga and corruption but nakaligtaan ang maraming importanteng mga aspekto ng national life, in other words what I predicted before is coming through that our president in many ways is acting like a local town mayor and has not yet made the necessary transition to be national leader,” ayon kay Aquino sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kabila naman nito, pinuri ng pari ang Pangulo sa masigasig na kampanya nito laban sa ilegal na droga at katiwalian.
Natuwa rin ang pari dahil maraming naging accomplishment si Pangulong Duterte kahit 100 araw pa lamang ito sa pwesto, na hindi nagawa ng mga nagdaang pangulo ng bansa.
Gayunman, naniniwala siya na marami pang bagay na dapat paglaanan ng panahon ang pangulo.
Samantala, umaasa naman si Malaybalay Bishop Jose Cabantan na paglalaanan ng malaking pondo sa 2017 national budget ng Duterte administration ang pagpapagawa ng mga rehabilitation centers at kampanya laban sa kahirapan.
Ayon kay Cabantan, kinakailangan ngayon ang mga pasilidad at mga personnel para sa mas malaking rehabilitation centers sa bansa dahil sa war on drugs. (Mary Ann Santiago)