ZAMBOANGA CITY – Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), isa sa kanila ay may P5.3 milyon patong sa ulo, ang naaresto ng mga pulis sa Zamboanga City at nakumpiskahan ng mga pampasabog nitong Biyernes ng gabi, ilang metro ang layo sa pagdarausan ng Zamboanga Hermosa Festival.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-9 Director Chief Supt. Billy Beltran ang mga nadakip na sina Abdul-latip Talanghati y Suwaling, alyas Latip Sihata at Tatang, 64, may asawa; at Albashrie Talanghati y Sata, alyas Tagalog at Abu Tarik, binata, kapwa taga-Barangay Luuk, Tongkil, Sulu.

Si Abdul-latip Talanghati ay may P5.3 milyon patong sa ulo at sinasabing isa sa mga responsable sa tinaguriang Sipadan Kidnapping sa Sabah, Malaysian noong 2000.

Ayon kay Beltran, inaresto ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division-Regional Special Operation Group 9, Regional Intel Division at Zamboanga City Police Office ang dalawa dakong 9:30 ng gabi nitong Biyernes sa Bgy. Sta. Barbara sa tabi ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO)-Region 9 sa siyudad na ito.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Armado ng arrest warrant para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom, nakumpiska rin mula sa dalawa ang isang pound ng hinihinalang high explosive TNT, detonating cord at time fuse.

Sinabi ni Beltran na nakakuha ng impormasyon ang pulisya na plano ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf na manggulo sa Zamboanga City, na nagdiriwang ngayon ng Zamboanga Hermosa Festival. (NONOY E. LACSON)