Kinumpirma kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagkakaaresto sa tatlong pinaghihinalaang miyembro ng Maute Terrorist Group, na umano’y nasa likod ng pambobomba sa Davao City nitong Setyembre 2, sa isang checkpoint sa Cotabato City nitong Martes.
Matatandaang 15 katao ang namatay at 70 ang nasugatan sa pambobomba.
Sa isang press briefing kahapon sa AFP headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City, kinilala ni Lorenzana ang mga naaresto na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendel Apostol Facturan, at Musali Mustapha.
“We have recovered solid pieces of evidence showing that they are indeed the terrorists who bombed Davao City on September 2,” sabi ni Lorenzana.
Aniya, ang tatlong suspek, na pawang miyembro ng Maute Group, ay naaresto sa pinagsanib-puwersang operasyon ng AFP at PNP matapos tangkaing tumakas sa checkpoint habang sakay sa motorsiklo na walang plaka.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga gamit sa paggawa ng improvised explosive device, isang sub-machine gun, caliber .45 pistol, ang kanilang motorsiklo, at mga cell phone. (Francis T. Wakefield)