Inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na nakikipag-ugnayan na sila sa Royal Malaysian Police para sa gagawing pagtugis sa sinasabing pangunahing drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
Sinabi ni Dela Rosa na ngayong may warrant of arrest na si Kerwin ay gagawin ng PNP ang lahat para madakip ang anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na naaresto na nitong Miyerkules.
Nahaharap ang mag-ama sa pag-iingat ng droga o paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa illegal possession of firearms.
“Now that the arrest warrant is already out, we can start with the coordination with the Royal Malaysian police through our police attaché,” sabi ni Dela Rosa.
Aniya, ang coordination ay may kaugnayan sa nakuha nilang impormasyon na nananatili pa sa Malaysia si Kerwin dahil wala pang record na lumabas na ito sa nasabing bansa.
Bukod sa Royal Malaysian Police, sinabi ni Dela Rosa na idudulog din nila ang usapin International Police o Interpol upang maialerto ang mga pulisya sa ibang mga bansa para tuluyan nang matunton at maaresto ang nakababatang Espinosa.
Nakapiit na ngayon sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Baybay City at hindi maaaring magpiyansa, si Mayor Espinosa at anak na si Kerwin ay parehong kabilang sa unang “narco-list” ni Pangulong Duterte. (Fer Taboy at Aaron Recuenco)