LOS ANGELES (AP) — Inihayag ng NBC na hindi na nito itutuloy ang kanilang plano sa kanilang sitcom, hinggil sa isang balo na umoorder ng mail-order bride mula sa Pilipinas.
Ito ay matapos ulanin ng protesta ang ‘Mail Order Family’ na idini-develop ng NBC. Ang protesta ay idinaan sa online petition na humakot ng 12,000 lagda hanggang kahapon.
Sa ipinalabas na pahayag ng NBC Universal, nagustuhan umano nila ang comedy pitch, kung saan ilalahad sana ang buhay ng creator nito na si Jackie Clarke, na inalagaan at pinalaki ng ‘strong Filipina stepmother’.
Samantala dahil sa protesta, sinabi ng network na ang mga writer at producer nito ay sensitibo rin sa pakiramdam, o nilalaman ng puso, kaya naman hindi na nila itutuloy pa ang sitcom.
Ang protesta ay pinangunahan ng Gabriela USA, isang women’s rights group. Sinabi ng grupo na ang mail-order bride industry ay umaabuso sa mahihirap na kababaihan, kasabay ng pagkondena sa NBC na umano’y nagbibigay ng sensyales sa isyu.