1a-copy

Sinulat at mga larawang kuha ni RUEL SALDICO

GARCHITORENA, CAMARINES SUR – Ubod ng lawak na taniman ng bakawan (mangrove) ang dinadayo ngayon ng mga turista sa Bgy. Sagrada, Garchitorena, Camarines Sur. Mahigpit itong binabantayan ng mga opisyal at residente ng barangay upang lalo pang mapalago at mapanitili ang lugar na sa kasalukuyan ay nagsisilbing fish and shell food sanctuary.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol, mahigit 205,000 na puno ng bakawan na ang naitatanim ng mga residente rito.

Tourism

Pasig River Esplanade, worth it nga bang puntahan?

Dito, libre ang paghuli ng alimango at mga takal (black clams) ng sino mang marunong manghuli ng mga ito. Ang mahigpit na ipinagbabawal ay ang pangunguha ng ano mang bahaging ng bawakan.

Ayon sa punong barangay ng Sagrada na si Jesus Daria, umaabot sa 356 na ektarya ang aktuwal na sukat ng nataniman na nila, at lalo pa itong lalawak sa mga susunod na taon dahil sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur sa pamumuno ni Gov. Miguel “Migz” Villafuerte at BFAR Regional Director Dennis del Socorro.

Dalawampung taon na ang nakararaan, nakalbo ang lugar na ito dahil sa walang habas na pagputol sa bakawan, bunsod na rin ng mataas na demand ng uling na bakawan.

Ngunit lubhang naapektuhan ang kanilang pangisdaan dahil halos wala nang mahuli ang mga tao sa loob ng maraming taon. Sa tulong ng mga pagpapaliwanag at training na isinagawa ng ilang non-governmental organizations (NGO) hinggil sa kahalahagan ng bakawan sa karagatan at sa komunidad, pinagtulung-tulungan nilang maibalik ang sigla ng mangrove sa lugar.

Ngayon, hitik sila sa malalaki at matatabang yamang-dagat dahil nanumbalik ang pangingitlog at pagtira ng mga isda sa kanilang lugar. Bukod sa malaki ang naitulong nito mga residente na pangingisda ang pangunahing hanapbuhay, umusbong din ang kanilang turismo dahil dinadayo na sila ng iba’t ibang grupo ng mga environmentalist.

Sila ngayon ang nagsisilbing halimbawa sa mga proyekto ng pamahalaan o mga organisasyon sa kalikasan sa mangrove production programs.

Ngayong taon, ang Sagrada -- na isolated barangay sa Garchitorena at tanging sasakyang pandagat lang ang transportasyon sa loob ng maraming taon – ay mabibigyan na ng kalsada mula sa Lagonoy town, dahil na rin sa malakas na suplay nila ng alimango at iba pang mga yamang-dagat.

Ang Garchitorena ay bahagi ng Ikaapat na Distrito ng Camarines Sur. Katabi lamang ito ng Caramoan Peninsula, ang isa sa pinakasikat na tourist destination sa bansa. Dating sakop at barangay lamang ng Caramoan, mayaman din sa naggagandahang isla at mga tanawin ang Garchitorena. Mula sa Naga City, mararating ito by land sa loob ng tatlong oras. Ito ay bunga ng bagong Felix Fuentebella, Sr. Highway.

Kabilang sa mga isinasaayos na tourist destination sa Garchitorena ang Nahulugan Pacio Falls sa Barangay Ason. Ayon kay Municipal Councilor Edwin Lara, balak nilang idulog sa Department of Tourism ang lugar dahil sa kamangha-manghang talon na matatagpuan sa gitna ng Bundok Nilakadan. Mahigit isang oras ang nilalakad upang marating ang malaparaisong lugar. Naggagandahan ang makikintab na bato na animo’y malalaking diyamante na kumikinang sa kahabaan ng batis.

Karamihan sa mga biyahe papunta sa lugar ay sa pamamagitan ng pagtawid sa dagat. Ngunit dahil nakaharap sa open pacific ang lugar, naglalakihan ang mga alon sa paglalakbay lalo na kung panahon ng amihan. Ang highway ngayon ang nagbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga residente na makilala naman, tulad ng tinatamasa ngayon ng Caramoan Islands.

Bago makarating ang mga turista sa Caramoan, dinadaanan ang Garchitorena kaya hindi hamak na halos pareho ang makikitang mga isla at beach resorts na ngayon ay umuusbong na rin sa kanilang bayan. Sa isla Baticorao na sakop ng Barangay Magsangat, matatagpuan ang limampung talampakang imahen ng Risen Lord. Ipinagawa ito ng isangpribadong pamilya, walong taon na ang nakalilipas, at ngayon ay tila nagsisilbing gabay sa mga naglalakbay sa dagat. Kumikinang ito lalo sa gabi, kaya nagiging animo’y parola ito sa mga mangingisdang naghahanap ng kanilang direksiyon.

Ilan laamng ito sa mga balak bigyan ng pansin ngayon ng local government ng Garchitorena. Ayon kay Vice Mayor Edmundo Simando, Jr., turismo ang prayoridad nila sa kasalukuyan. Bagamat salat sa pondo, naniniwala sila na may local investors ang nais makipagtulungan sa kanila upang mabuo ang tourism plan na ikinakasa nila.

Sa pagbubukas ng ilan pang mga pangunahing kalsada lalo sa Barangay Sagrada na kinaroroonan ng mangrove plantation, inaasahan nila na lalo pang uusbong ang kanilang fishing industry – dahil na rin sa masaganang ani ng malalaki at matatabang alimango na mas lumalakas ngayon ang local at international exportation.

Iniingatan lamang nila na kung sakaling maisakatuparan ang mga plano nila sa turismo at sa local na industriya ng pangisdaan, na hindi maapektuhan ang malaparaisong kalikasan na kanilang pinagyaman.