Imbestigasyon sa Kamara, ihinto na

Nina Charissa M. Luci at Beth Camia

Hiniling ng opposition House leader na itigil na ang imbestigasyon ng Kamara sa paglipana ng droga sa New Bilibid Prisons (NBP), kasabay ng pagpapaubaya sa Department of Justice (DoJ) na kasuhan na lang sa korte si Senator Leila de Lima.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Buhay party-list Rep. Lito Atienza, dapat ay idulog na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa korte ang alegasyon kay De Lima.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Problema na ng Department of Justice ang pagsasampa ng mga reklamo at sila na ang sumagot sa taong-bayan kung sakaling hindi pa rin sila handa hanggang sa ngayon,” ani Atienza.

Nanawagan rin si Atienza sa House Committee on Justice na tapusin na ang imbestigasyon. “Let us draft the needed legislation now and stop the investigation because clearly after two hearings, syndicates behind illegal drugs proliferated inside the NBP during De Lima’s time at DoJ. We have to give her (De Lima) the chance to answer the charges before proper venue,” ani Atienza.

Hindi pabor si Atienza na ipalabas ang sex tape sa Kamara, na ayon kay Aguirre ay sex video ni De Lima at ng drayber nitong si Ronnie Dayan.

Executive session

Samantala pursigido pa rin si Aguirre na ipalabas ang sex video, kung saan upang hindi umano mapanood ng buong bansa, idaan na lang ito sa executive session.

Kung hindi naman, aminin na lang umano ni De Lima ang video upang hindi na mapag-usapan.

Iginiit ni Aguirre na puwedeng gamitin ang sex video para patunayan na may mas malalim umanong relasyon ang Senadora sa kanyang driver, at umano’y lover at bagman na si Ronnie Dayan.

4 inmates sa Crame

Kaugnay nito, ililipat na sa Camp Crame ang apat na high-profile inmates na sangkot sa riot sa Building 14 sa NBP.

Ito ang kinumpirma ni Aguirre, kung saan kabilang sa ililipat sina dating police Chief Insp. Clarence Dongail, Edgar Cinco, Tomas Domeña, at isa pang hindi pinangalanan.

Magugunita na naganap ang riot ilang araw bago humarap sana sa Kamara si drug lord Jaybee Sebastian.

Sugatan sa insidente sina Sebastian, Peter Co, at Vicente Sy. Nasawi naman ang drug lord na si Tony Co.