Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapalaya ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa tatlo pang Indonesian na bihag nito.

Kinumpirma ng Joint Task Force (JTF) Sulu, na pinamumunuan ni Brig. Gen. Arnel dela Vega, ang nasabing balita ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dureza na nai-turnover na ni Moro National Liberation Front (MNLF) founding Chairman Nur Misuari ang mga Indonesian na sina Edi Suryono, Ferry Arifin at Muhamad Mabrur Dahri kay Sulu Gov. Totoh Tan bago magtanghali kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang tatlong dayuhan ay mga tripulante ng Tugboat Charles 00 at dinukot sa Simisa Island sa Sulu noong Hunyo 22, 2016.

“Chairman Misuari personally called me and informed me about another breakthrough in the efforts to recover hostages held by the Abu Sayyaf Group,” sabi ni Dureza. “I coordinated with Gen. de la Vega, of Task Force Sulu to facilitate smooth turnover (ng mga bihag).”

Sinabi pa ni Dureza na kinumpirma ni Tan na kasama na nito ang tatlong Indonesian, na ililipat din sa pangangalaga ng grupo ni Gen. Dela Vega.

“Chairman Misuari requested me to relay this new development to President Rodrigo Duterte, in whose behalf I expressed gratitude for the efforts,” ani Dureza.

Sinabi ni Major Felimon Tan Jr., tagapagsalita ng AFP-Western Mindanao Command (WestMinCom), na dinala na ang tatlo sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital para sa suriin at isailalim sa debriefing.

Ayon kay Tan, ang pagpapalaya sa mga bihag ay bunsod ng nagpapatuloy na operasyon ng militar laban sa mga bandido.

Sa pagpapalaya sa tatlong Indonesian ay nasa 10 na lang ang natitirang bihag ng Abu Sayyaf.