VIGAN CITY, Ilocos Sur – Hinihintay na lang ng lokal na tanggapan ng Bureau Immigration (BI) ang release order mula sa Department of Justice (DoJ) para sa 17 mangingisdang Vietnamese na inaresto ng Philippine Navy habang nangingisda sa West Philippine Sea nitong Setyembre 8.

Sinabi kahapon ni Ma. Lourdes C. Peñala, alien control officer ng BI-Vigan City, na ang 17 dayuhan ay nasa kostudiya ngayon ng isang Vietnamese interpreter na nakatira sa Vigan City, habang hinihintay nila ang release order mula sa DoJ.

Ipinag-utos nitong Biyernes ni Pangulong Duterte ang pagpapalaya sa mga Vietnamese kasunod ng dalawang-araw na pagbisita ng Pangulo sa Vietnam.

Setyembre 8 nang madakip sa Dile Point sa Vigan sina Tran Huu Trung, Bui Van Liem, Le Tien, Bui Van Luom, Huynh Hgoe Tuan, Le Than Trung, Tran Hoang Kim, Va An, Phan Haui Tuy, Nguger Van Phoung, Ngryan Dy Fuong, Vo Thien, Dinh Thien Son, Nguyen Gio, Hyunh Thanh Thang, Do Thenh Lai at Tran Huu Phuc. - Freddie G. Lazaro

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar