Ni MARY ANN SANTIAGO

Nauwi sa trahedya ang isinagawang dredging at clean-up drive kahapon sa isang pumping station sa Ermita, Maynila matapos gumuho ang improvised platform na naging sanhi ng pagkamatay ng isang barangay tanod at pagkasugat ng 10 iba pa.

Kinilala ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office head Johnny Yu ang nasawing biktima na si Alfredo Quijano, nasa hustong gulang, barangay tanod ng Barangay 664, Zone 71, Ermita, Maynila.

Kinilala naman ang mga sugatan na sina Jenny Soseng, Marilou Silos, Shiela Mati, Jerry Dizon, Ruel de Suloc, Joven Padilla, at Edfel Arevalo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagsasagawa umano ng dredging at clean-up drive ang mga tauhan ng Manila City Government, Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at barangay, dakong 7:30 ng umaga.

Ayon kay MMDA Balete Pumping Station Plant Engineer Angeles Bosmente, nakatuntong ang 20 volunteer sa lumang platform at nagtatanggal ng basura sa estero nang bigla na lang itong gumuho.

Sinabi ni Bosmente na ginagamit talaga ang naturang platform sa pangongolekta ng basura sa estero ngunit hanggang tatlong katao at tatlong cubic meter na basura lamang ang kaya nitong dalhin.

Aniya, binalaan naman nila at pinapababa ang mga biktima mula sa platform dahil hindi nito kakayanin ang kanilang bigat, ngunit hindi umano sumunod ang mga ito sa pagnanais na mapabilis ang pagkuha ng basura.

Habang isinusulat ang balitang ito ay iniimbestigahan pa ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ang pangyayari.