Tulad ng umano’y wig ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, peke at pawang ‘cosmetics’ lang ang ebidensya ng kalihim laban kay Senator Leila de Lima na iniuugnay sa ilegal na droga.
Ito ang pahayag ng Senadora, na nagsabing sa halip na siya ang pagtuunan ng pansin, mas mabuti umanong tutukan na lang ang walang humpay na patayan at pagkalulong ng mga menor de edad sa droga.
“Secretary Aguirre’s alleged evidence against me is like his toupee, his wig – fake and cosmetics only. There is nothing into it other than that. Nothing’s authentic,” ani De Lima.
“What is real however are the killings. What is tragic is that these killings continue unabated. And the criminals, including these so-called vigilantes, are getting bolder; while the victims are getting younger,” dagdag pa nito.
Sinabi nito na aabot na sa 20,584 ang mga menor de edad na sangkot sa pagbebenta at pagkalulong sa droga.
Ang bwelta ni De Lima ay matapos na igiit ni Aguirre at ni Pangulong Rodrigo Duterte na sapat ang ebidensya at may basehan ang mga paratang kay De Lima.
Preno muna sa EJK probe Kaugnay nito, ipinagpaliban muna ng Senate Committee on Justice at Human Rights ang pagdinig ngayong araw sa extrajudicial killings, upang bigyang daan naman ang pagdalaw ni Duterte sa ibang bansa at itinakda ito sa unang linggo ng Oktubre.
Nitong Lunes, tinuldukan ng mga Senador ang mosyon ni Senator Antonio Trillanes IV na imbestigahan si Duterte sa pagkakasangkot nito sa Davao Death Squad (DDS), batay sa testimonya naman ni Edgar Matobato, ang self confessed hitman ng DDS.
Ang mosyon ni Trillanes ay isinampa niya sa Blue Ribbon Committee, pero tinanggihan ito at sa halip ay ipinasa sa Committee on Rules.