Isang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga ang napatay, habang nadakip ang kanyang kinakasama, matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa ikinasang buy-bust operation sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Melchor Guinto, nasa hustong gulang, ng No.7 C Ilaya, Alabang Muntinlupa City, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Habang nakakulong naman sa SPD headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City si Leilani Pinor, tindera, residente rin sa nasabing lugar.

Sa ulat na natanggap ni SPD-Public Information Office chief Supt. Jenny Tecson, dakong 4:00 ng madaling araw nangyari ang engkuwentro.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) at isang pulis ang nagpanggap na poseur-buyer sa transaksiyon laban sa mag-live-in partner.

Hindi pa man naiaabot ng mga suspek ang droga nang matunugan ni Guinto na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya binunot nito ang kanyang baril at pinaputukan ang pulis.

Dito na napilitang magpaputok ang mga pulis hanggang sa duguang bumulagta ang suspek, habang nadakip naman si Pinor.

(Bella Gamotea)