MAKALIPAS ang mahigit isang taon, inalis na rin ng mga taga-Manila Water ang malaking tubo ng tubig na nasa ibabaw ng ginawa at pinaluwang na tulay sa national road sa M.L. Quezon Avenue, Barangay San Isidro at Barangay Poblacion Itaas, Angono, Rizal. May pitong tulay na proyekto sa unang distrito ng Rizal ang Department of Public Works and Highwys (DPWH) at ang Rizal Engineering District I, sa pangunguna ni District Engineer Roger Crespo. Dalawa sa Angono, dalawa sa Taytay at tatlo sa Binangonan. Ang pitong tulay ay pawang nasa national road. Nag-uugnay sa mga magkalapit na barangay. Bahagi ng daan ng mga motorista at mga public utility vehicle patungo sa mga bayan sa eastern Rizal at ng mga taga-eastern Rizal na papunta naman sa mga karatig-bayan at sa Metro Manila.

Kapansin-pansin na nang maglagay ng malalaking tubo ang Manila Water sa Rizal ay hindi sa mga pribadong lupa inilagay, kundi sa kaliwa’t kanang bahagi sa ibabaw ng mga tulay. Ang resulta, nabawasan at kumipot ang daanan ng mga pedestrian. At nang simulang gawin at paluwagin ang pitong tulay, malaking abala at naging mabagal ang paggawa sa pitong tulay. Agad kumilos si District Engineer Roger Crespo. Sinulatan at tinawagan ang mga taga-Manila Water na ilipat ang malalaking tubo ng tubig upang bumilis ang paggawa at pagpapaluwag ng mga tulay. Sa Taytay, kahit may kabagalan ang pagkilos ng mga taga-Manila Water, nailipat ang mga malalaking tubo ng tubig sa gilid ng tulay. Natapos ang paggawa sa dalawang tulay. Naibsan ang trapik, bumilis ang biyahe.

Kakaiba naman ang nangyari sa tulay sa Angono kaysa tulay na nasa Manila East road sa pagitan ng Barangay San Roque at Barangay San Isidro. Ang malalaking tubo ng Manila Water ay nailipat sa tagiliran ng tulay. Naging mabilis ang paggawa sa tulay. Natapos at bumilis ang biyahe ng mga motorista at pampublikong sasakyan. 

Ang tulay sa kabayanan ay natapos na rin noong Nobyembre 2015. Binuksan at muling nadaanan ng mga tao at ng iba’t ibang uri ng sasakyan. Ngunit nanatili pa rin sa ibabaw ng tulay ang malalaking tubo ng Manila Water. Napakapangit tingnan. Marami ang nagtaka at nagtanong na mga motorista at maging ng mga taga-Angono. May nagsabi pa na takaw-disgrasya ang tubo sapagkat kapag nasagi o nadagil ng gulong ng malaking sasakyan, tiyak puputok ang tubo at babaha sa ibabaw ng tulay. Ang baha ay maaaring umabot sa kalsada ng dalawang barangay na kinaroroonan ng tulay. Nadagdagan pa ang pagkainis ng mga dumaraan sa tulay. Sumikip ang magkabilang tabi ng tulay sapagkat pinayagan ng munisipyo na magkaroon ng tiangge. Parusa ang paglalakad ng mga tao sa tabi ng tulay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi tumigil sa pagtawag ang Rizal Engineering District sa Manila Water na ilipat na ang malaking tubo na nasa ibabaw ng tulay sa Angono. Matindi na ang reklamo ng mga tao at motorista. Kinulit na ni District Engineer Roger Crespo ang mga taga-Manila Water at nakinig naman ang mga ito.

Ang hiling naman ng mga taga-Angono at mga motorista, sana raw ngayong “ber” months, lalo na sa Nobyembre at Disyembre, ay huwag nang payagan na magtayo ng tiangge sa magkabilang tabi ng tulay sa Angono.