INILUNSAD ng pamahalaan ng South Cotabato ang iba’t ibang disaster awareness campaign bilang parte ng kanilang paghahanda laban sa La Niña phenomenon, iniulat ng Philippines News Agency (PNA).
Ayon kay Milagros Lorca, chief ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nakatuon ang inisyatiba sa mga komunidad na ikinokonsiderang lubhang maapektuhan ng La Niña.
Aniya, nakatuon sila sa pagpapalaganap ng impormasyon sa mga lokal na komunidad sa probinsiya, “on what to do when disasters strike.”
“Based on the latest advisory, the province was listed as among the areas that would likely be affected by the La Niña so we intensified our preparations for it,” pahayag ni Lorca.
Ang La Niña, na nagdudulot ng kakaibang lamig sa katubigan sa Equatorial Pacific, ay nagdadala ng malakas na pag-ulan.
Sinabi ni Lorca na naghanda na sila ng modules para sa La Niña sa ilalim ng kanilang Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation (DRR-CCA) information education campaign, awareness at advocacy program.
Aniya, ang awareness sessions, na inalalayan ng mga volunteer mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), ay kinapapalooban ng basic first aid at life-saving techniques.
Nagkaloob din ng mga lecture ang BFP trainers kaugnay sa fire preparedness at iba pang related topics, aniya.
Sa ngayon, aniya, limang bahaing barangay sa probinsiya ang kanilang naaksiyunan.
Ang mga ito ay ang Sitio Acfaon ng Barangay Bunao sa Tupi; Purok Villa Clara ng Barangay Matapol sa Norala; Purok 2 ng Barangay Kinilis sa Polomolok; Sitio Muslimen ng Barangay Magon sa Tantangan; at Sitio Tafal ng Barangay Ned sa Lake Sebu.
Ang session na ito ay pinagtulungan ng 30 hanggang 40 barangay disaster volunteers at iba pang concerned community stakeholders.
“We’re currently finalizing the arrangements for the holding of similar sessions in 12 more identified flood-prone areas,” sambit ni Lorca.
Bukod sa awareness campaigns, sinabi niya na pinagtutuunan din nila ng pansin ang lokal na komunidad kaugnay sa posibilidad na ragasain ng natural at man-made calamities.