Iniimbestigahan ngayon ng Presidential Security Group (PSG) ang miyembro nitong si Air Force Sgt. Jonel Sanchez, dating security aide ni Senator Leila de Lima na isinangkot ng convicted robber na si Herbert Colangco sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Lt. Col. Michael T. Aquino, Assistant Chief of Staff for the Civil Military Operations (CMO), G7, si Sanchez ay miyembro ng PSG na nakadetalye kay De Lima noong Justice secretary ang huli.
Sinabi ni Aquino na ni-request na ng PSG ang reassignment ni Sanchez noon pang Hulyo 1, ngunit inaayos pa nito ang kanyang mga papeles.
Nang lumutang ang pangalan ni Sanchez sa imbestigasyong isinasagawa ng Kamara hinggil sa droga, agad namang naglunsad ng imbestigasyon ang PSG.
“To ensure his safety, the PSG has placed Sgt. Sanchez confined to barracks for the investigation. The command cannot give further details as of this time since we do not want to pre-empt the investigation that is being undertaken by the House of Representatives,” ayon kay Aquino.
Sinabi ni Aquino na katulad din ng pag-asam sa katotohanan at hustisya ng taumbayan, hiniling nito ang buong kooperasyon ni Sanchez sa imbestigasyon. (Francis T. Wakefield)