Pagkaraan ng mahigit isang taong pahinga, magbabalik sa ibabaw si dating WBA at WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada para harapin si dating IBO Inter-Continental light flyweight champion Raymond Tabugon ng Pilipinas sa super flyweight bout sa Oktubre 8 sa Estadio Francisco Leon Garcia, Puerto Penasco, Sonora, Mexico.
Huling naidepensa ni Estrada ang dalawang titulo na naagaw niya sa Filipino-American na si Brian Viloria noong at Setyembre 26, 2015 sa kababayang si dating WBA 112 pounds titlist Herman Marquez na napatigil niya sa 10th round kaya matagal-tagal niyang ipinahinga ang kanyang napinsalang kanang kamay.
Gusto niyang hamunin ang bagong WBC super flyweight champion na si Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua na dumaig sa kababayan niyang si Carlos Cuadras kamakailan at minsang tumalo sa kanya sa puntos noong WBA light flyweight champion ito taong 2012 sa Los Angeles, California.
“First I have to win the 8th of October. Everyone knows that Filipinos come to die in the line of fire and Tabugon has nothing to lose and everything to win - but I am well prepared and motivated to perform in front of my people,” sabi ni Estrada sa BoxingScene.com. “I have no doubts there will be a show on stage, and that I will win and analyze with my team and my promoter Zanfer on what fights I want at super flyweight, including Chocolatito, Naoya Inoue, Nica Conception or Cuadras.”
May rekord si Estrada na 33-2-0 na may 24 pagwawagi sa knockouts samantalang si Tabugon ay may kartadang 18-5-1 na may 8 panalo sa knockouts. (Gilbert Espeña)