HINDI ko makakalimutan ang mga kuwento ng aking ama tungkol sa kanyang pinagtupi-tuping dekadang serbisyo-publiko sa bayan. Bale ba mawawari ko na ang kanyang mga kuwento ay salaysay ng isang pagsasaksi sa napakaraming tagpo sa pag-inog ng makulay na pambansang kasaysayan.
Ito ang nagsisilbing mga lapag sa likod ng telon ng mga lantad na kaganapan, na kadalasa’y nababasa ng madla sa mga pahayagan, nababatingaw ng media, at kapag nadantayan na nga ng panahon, inililimbag sa mga babasahin gaya ng libro o hinahanay sa aklatang paaralan o museo.
May aral ang bawat piso ng buhay, wika nga, na maaaring pulutan ng dunong at hiram na karanasan. Halimbawa, para sa isang bagong pangulo, anong uri ng mga gabinete ang dapat hinihirang nito? At papaano ba niya dapat itimon ang mga pagpupulong ng kanyang opisyal na pamilya? Kung ang kabanata ng kapanahunan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pagbabatayan upang may mapitas na kaalaman, may aakay na mga palatandaan.
Andon na tayo na kailangan kasangga ng Administrasyon, subalit ang dapat ay bumubusilak na matalino. Magugunita ng nakararami, kung ‘di man lahat, na ang mga nakapaligid dati kay Pangulong Marcos, may mga utak. Dahil nga sa matalino din ang nagtitimon sa Sangay-Ehekutibo, sinisiguro nito na dagdag puntos sa kanyang Pamahalaan na siya ay pinapalibutan ng mga kahalintulad.
Kung nagkataon naman, na may kahinaan ang isang presidente (tulad ni dating PNoy), tumpak lamang na manungkit ito ng mga matitinik dahil halatang “hinog sa pilit”. Tagilid, kung mag-asal marunong. Siguradong kapalpakan ang kabuntot nito. Binahagi ng aking ama Rene Espina (dating Sec. ng Public Works, Transportation at Communication) kapag may isyung pag-uusapan ang gabinete ni Marcos, ang unang katanungan ay – “Bukas pa ba ito sa debate, Mr. President?”
Kapag “Oo” ang sagot, lahat ng tinig at pananaw ay magtatagisan at maghahalo, habang tahimik na nakikinig si Marcos.
Oh paminsan-minsan, may ilang itinatapong katanungan para sa kanyang kalinawan, bago ito magluwal ng paghuhusga. Kung ang isang usapin ay “Hindi na maaaring pagdebatehan”, dahil may nauna nang desisyon ang pangulo, bale ang kumpas ng gabinete ay kung ano ang maaaring mga batikos na ipupukol at papaano sasagutin ng Palasyo.