200916_duterte-blast-kin_12_keithbacongco-copy

DAVAO CITY – Naniniwala si Pangulong Duterte na magkakaroon pa ng mga pambobomba kasunod ng pagsabog sa night market sa lungsod na ito noong Setyembre 2, na pumatay sa 15 katao at ikinasugat ng 69 na iba pa.

“There will be another explosion, not here but in other parts of Mindanao,” sinabi ng Pangulo nitong Lunes sa Matina Enclaves nang magkaloob siya ng ayudang pinansiyal sa mga biktima ng nasabing pagsabog.

Sa pagsasalu-salo sa hapunan nitong Lunes, inabutan ng Pangulo ng tseke sa halagang P250,000 ang pamilya ng mga nasawi, gayundin ang pamilya ng nasugatan, at P100,000 naman sa mga nagtamo ng minor injuries. Bukod pa ito sa medical assistance.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Inihayag ni Duterte ang babala matapos niyang ipag-utos ang pag-pullout sa mga sundalong Amerikano sa Mindanao upang hindi na tumindi pa ang galit sa mga ito ng mamamayang Moro na ang mga ninuno ay nabiktima ng pagmamalupit ng mga Amerikano ilang siglo na ang nakalilipas, na malinaw na tumutukoy sa Bud Dajo massacre noong Marso 1906 sa Sulu.

“To the Moro, it happened yesterday. So puputok ito nang puputok, kaya nagsabi ako,” ani Pangulong Duterte.

“The wound is still there very fresh,” sabi ng Presidente. “Pero sila magsabi hindi ito kahapon, hanggang ngayon.

Nagyera kami sa Español at Amerikano, pati ngayon.”

Aniya, mayroong grupo ng kabataan na mandirigmang Moro na hindi nauugnay sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) o sa Moro National Liberation Front (MNLF), at sumumpa ng suporta sa teroristang grupo ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

“Yung ‘young’, they do not belong to any other organizations, but identified with ISIS. Swore allegiance to ISIS na walang ibang ginagawa kundi paputok sa buong mundo. There will be another explosion not here (Davao), but in other parts of the country,” anang Pangulo.

Sinabi ni Duterte na maling balewalain na lamang ang hinanakit ng mga Moro at igiit na tapusin na ang mga paglalaban ngayon, ibinunyag na may isang grupong Muslim ang tumatanggi sa usapang pangkapayapaan hanggang may nakikita umano ang mga ito na sundalong Amerikano sa Mindanao. (ANTONIO L. COLINA IV at ELENA L. ABEN)