Tiniyak kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Metro Manila.

Ang pagsiguro ay sinabi ni Marine Col. Edgard A. Arevalo, hepe ng AFP-Public Affairs Office, matapos arestuhin ang halos 100 katao sa ‘Oplan Tokhang’ sa Brgy. Culiat, Quezon City, noong Biyernes ng umaga, kabilang ang isang hinihinalang miyembro ng ASG.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang umano’y ASG member na si Juraid Sahibbun. Samantala biniberepika pa ng pulisya kung ang naaresto ay miyembro nga ng bandidong grupo.

“So far sa ating mga reports wala po namang namo-monitor and we hope to keep it that way,” ayon kay Arevalo sa isang press conference.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“At kagaya ng paulit-ulit nating sinasabi, huwag lang iasa sa ating security forces ang lahat ng bagay na iyan, because hindi po tayo ganong karami,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Arevalo na kahit may mga tropa ng Army, Navy, Air Force at Marines sa Manila, kailangan pa rin ng tulong ng mamamayan para hindi makalusot sa Metro Manila ang mga bandido.

Ang mga sundalo sa metro ay tumutulong sa pulisya sa checkpoints, mobile patrols at pagbibigay ng seguridad sa malls, LRT terminals at bus terminals.

“Hindi po natin kayang bantayan ang bawat sulok ng ating bayan lalo na ang urban areas,” dagdag pa ni Arevalo.

Sa lalawigan ng Isabela, mahigpit ang panawagan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pag-ibayuhin pa nito ang paghahanda sa posibleng matagalang bakbakan laban sa ASG.

Ang pahayag ay ginawa ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa 5th Infantry Division sa Camp Melchor dela Cruz, sa Isabela kahapon.

Naniniwala ang Pangulo na kahit tahimik pa ang sitwasyon, importanteng mas mapaigting pa ng mga sundalo ang kanilang pagsasanay at palakasin pa ang kanilang kakayahan lalo sa intelligence gathering.

Ipinayo nito ang pagsasanay ng mga sundalo sa ‘profiling’ o pagkilala sa isang ‘bomber’ at covert operation para matiktikan ang mga pagtatangka ng mga terorista.

Siniguro naman ni Duterte na ibibigay nito ang kailangang armas at equipment ng mga sundalo para manalo laban sa mga kalaban. (Francis T. Wakefield at Liezle Basa Iñigo)