ZAMBOANGA CITY – Pinalaya na nitong Biyernes ng gabi ng mga leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Indanan, Sulu ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad makaraang tumanggap ang mga bandido ng P30 milyon ransom mula sa pamilya ng dayuhan.

Ayon sa military source na tumangging pangalanan, nagbayad ang pamilya ni Sekkingstad ng P30 milyon ransom kapalit ng pagpapalaya sa dayuhan.

Sinabi ng source na pinalaya ng Abu Sayyaf si Sekkingstad sa Barangay Buanza sa Indanan, Sulu dakong 8:30 ng gabi nitong Biyernes.

Dagdag pa ng source, si dating Moro National Liberation Front (MNLF) Commander Tahil Sali ang nakipagnegosasyon para sa pagpapalaya kay Sekkingstad, na unang pinresyuhan ng ASG ng P300 milyon ransom.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Dinala ng MNLF si Sekkingstad sa bahay ni Sulu Gov. Abdusakur Tan II, at nakaharap ng gobernador ang dating bihag dakong 5:00 ng umaga kahapon.

Hunyo 23 nang palayain ng Abu Sayyaf ang Pilipinang bihag na si Marites Flor sa Sulu matapos magbayad umano ng P20 milyon ransom sa mga bandido.

Pinugutan naman ng ASG ang dalawang Canadian na sina John Ridsdel (Abril 25) at Robert Hall (Hunyo 13) sa kabiguang magbayad ng ransom.

Setyembre 21, 2015 nang magkakasamang dinukot ng Abu Sayyaf ang apat sa Ocean View Resort sa Samal Island, Davao del Norte. (NONOY E. LACSON)