HOW true na hinayang na hinayang ang Viva Films dahil sila pala dapat ang magdi-distribute ng pelikulang Train To Busan pero napunta sa iba.
Ang tsika ng aming source, inialok kay Boss Vic del Rosario ang nasabing pelikula nina Gong Yoo, Jung Yu-mi, Ma Dong Seok at Kim So-Ahh kaya nag-bid at nagbigay siya ng presyo kung magkano niya ito bibilhin.
Suki na raw si Boss Vic ng Korean movies kaya ‘yung ibinigay niyang presyo sa nag-alok ay hindi na niya dinagdagan sa pag-aakalang ibibigay din ito sa kanya.
Pero may independent distributor, ang Rafaella Films International, na nag-bid sa Train To Busan ng mas mataas ng konti sa presyong ibinigay ng Viva honcho, kaya hindi napunta sa Viva ang pelikula na kasalukuyang humahakot ng datung.
Pero ang good news na nalaman namin ay may sequel ang Train To Busan na hawak ng Viva Films, ‘yun nga lang, animated.
Base post sa Twitter ng bidang si Gong Yo ang balita na magkakaroon ng sequel ang super successful na Korean movie.
Samantala, nakatsikahan namin si Direk Dan Villegas na nakapanood na rin ng nasabing pelikula at na-research daw niyang P8M, kung iko-convert sa pera ng Pilipinas, ang production cost ng Train to Busan na hindi niya mapaniwalaan.
“Imposible talaga kasi ang gaganda ng gamit nila, ‘yung camerang ginamit, high tech. ‘Tapos, nag-mount sila ng tren, gumawa sila ng mga nasirang tren, ang daming tao, kaya paanong eight million lang ang nagastos? Malabo ‘yun. Hindi kayang gawin dito ‘yun,” reaksiyon ng isa sa blockbuster directors ng ating bansa. (REGGEE BONOAN)