SAPAGKAT hindi tagahanga ng United States si President Rodrigo Roa Duterte, nais niyang isulong ng Pilipinas ngayon ay isang “independent foreign policy”. Iginiit niya ang kabutihan, kapakapanan at kagalingan ng mga Pilipino ang dapat unahin bago ang iba.”Filipinos should be first before anybody else,” pahayag niya paglapag sa Davao City airport matapos dumalo sa 49th Asean Summit sa Laos.

Ang US at ang Pilipinas ay matagal nang magkaibigan at magkaalyado, pero sapul nang mahalal si Mano Digong, naging iba ang timpla ng relasyon nina Uncle Sam at Juan dela Cruz. Maliwanag na hindi bilib sa Estados Unidos ang bagong Pangulo ng ‘Pinas na pinamumunuan ngayon ni President Barack Obama na tinawag pa niyang “son of a bitch” matapos malamang kakausapin siya nito sa Laos tungkol sa human rights violations ng kanyang administrasyon kaugnay ng paglaban sa illegal drugs.

Kung hindi fan si President Rody ng bansa nina Obama, Hillary Clinton at Donald Trump, eh, sino ngayon ang kanyang hinahangaan? Ito kaya ay ang bansa nina Chinese Pres. Xi Jinping at Prime Minister Le Keqiang o ang Russia na ang lider ay si Vladimir Putin? Minsan nga ay sinabi niyang nais makausap si Putin dahil marami silang pagkakahawig (similarities). Nang tanungin kung ano ang pagkakahawig nila, tumugon siyang isa rito ay ang pagiging parehong “Ladies Man.” Sa lengguwahe raw ni RRD, ang “Ladies Man” ay nangangahulugan na pagiging babaero, bulong sa akin ng kaibigan.

Nagkasundo ang Pilipinas at ang Indonesia na magsanib-puwersa upang masugpo ang piracy sa karagatan bunsod ng sunud-sunod na pagdukot ng Abu Sayyaf Group (ASG) bandits sa karagatan ng dalawang bansa. Ang kasunduan ay ginawa nina President Duterte at Indonesian Pres. Jok Widodo para magkaroon ng joint operations ang Coast Guard upang tugisin at durugin ang mga pirata na tumatakas patungo sa karagatan ng Pilipinas matapos mangidnap.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nitong ilang linggo o buwan, hindi lamang mga Indonesian ang kinikidnap ng tulisang ASG kundi maging mga Malaysian.

Marahil ay dapat ding makipagkasundo si RRD sa mga lider ng Malaysia para magsanib-puwersa upang tugisin ang mga pirata sa dagat ng Pilipinas. Sinabi ni Mano Digong kay Widodo na sa pagtugis ng Indonesian Coast Guard sa high seas at sila ay pumasok sa Philippine sea, payag siyang hulihin o pasabugin sila ng Indonesian forces.

Hindi na galit ngayon sa media si Du30. Inihayag niya ito matapos dumating sa bansa at nagpa-interview sa mga reporter. Ayon sa machong Presidente, hindi naman talaga siya galit sa media. Karapatan daw ng media people ang magtanong at karapatan naman niya ang sumagot at mag-ulat sa bayan bilang kanilang pangulo.

Nangangahulugang nagbabago na siya (Change is Coming) dahil noong una, hinamon niya ang media na iboykot siya at ayaw din niyang magpa-interview habang siya ay pangulo. Nauunawaan na marahil ni Duterte na hindi niya kaaway ang media.

Hindi ang Philippine media ang humimok na iboykot siya noon kundi ang Paris-based Reporters Without Borders (RWB) bunsod ng pahayag noon ni RRD na ang mga bayaran at tiwaling journalist ay lehitimong target ng pagpatay.

(Bert de Guzman)