TALAGANG ayaw ni President Rodrigo Roa Duterte na mapagsasabihan sa isyu ng human rights. Tinawag niyang “tarantado” (a fool) si UN Secretary General Ban Ki-moon dahil umano sa pagsasalita nito sa Laos at paghamong lektyuran siya tungkol sa usapin ng paglabag sa karapatang pantao.

Bukod kina Pope Francis, US Ambassador Philip Goldberg, US Pres. Barack Obama, Sen. Leila de Lima, si Ban Ki-moon na isang Koreano ay nakatanggap na rin ng tirada ng “may lasong dila” ng Pangulo ng Pilipinas. Ayon sa report, nagalit si Mano Digong sa lider ng United Nations dahil sa pakikihalo nito sa iba pang mga indibidwal na nagkokondena sa paglabag sa human rights kaugnay ng pamamaraan ng Duterte administration sa paglaban sa krimen at ilegal na droga. 

“Pati itong si Ban Ki-moon, nakikihalo. Sabi ko, isa ka pang tarantado,” pahayag ni RRD sa harap ng mga miyembro ng Filipino community sa Indonesia. Hindi raw niya iniintindi kung ano man ang world opinion sa kanya basta nakatutulong siya sa mga Pinoy sa paglaban sa salot ng illegal drugs at krimen. “Ipagpapatuloy ko ang kampanya laban sa mga kriminal. Wala akong awa sa kanila.”

Isang netizen ang nagtatanong kung bakit parang natatakot si President Rody sa China. Sa Jakarta, Indonesia, pinasalamatan pa niya ang China dahil umano sa pagtulong nito na maresolba ang drug menace sa ating bansa. Hindi ba sinabi niya noon na ang mga utak at drug lords ay galing mismo sa China? Hindi ba niya batid na inookupahan tayo ng China sa Panatag Shoal at iba pang reefs sa West Philippine Sea? 

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi ba niya kinikilala ang mga tulong ng United States sa ‘Pinas sa aspeto ng ekonomiya, depensa, kalamidad at iba pa? Hindi ba niya batid na kung hindi sa US, baka sinakop nang lahat ng China ang mga isla na malapit o saklaw ng ating Exsclusive Economic Zone (EEZ)? Magbibigay pa nga ang US ng $32 million na tulong para gamitin ng gobyerno ng ‘Pinas laban sa mga krimen at illegal drugs. 

Samantala, tiniyak ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi kailanman magkakaroon ng martial law sa panahon ng rehimen ni Mano Digong. Nang tanungin ng mga reporter kung bakit nasabi ito ni Alvarez, ang tugon lang niya ay:

“Kilala ko siya, hindi niya ito gagawin”. Sigurado ka, Mr. Speaker?

Nagdeklara na nga si RRD ng state of lawlessness matapos ang pagpapasabog sa night market sa Davao City na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng iba pa. Maging si Sen. Richard Gordon ay nagpapanukala na payagang magdeklara ng suspensiyon ng writ of habeas corpus ang Pangulo. Alam ba ninyong kapag sinuspinde ang habeas corpus, sino mang Pinoy ay puwedeng arestuhin kahit walang dahilan?

Suriin nating mabuti: Hindi ba ninyo napapansin dear readers at mga kababayan na parang nag-eenjoy si President Rody kapag siya’y nalalagay sa front page ng mga pahayagan at pinag-uusapan sa TV at radyo dahil sa kanyang pagmumura? Oh, ang pagmumura ay nakaugalian (habit) na niya at wala siyang malisya rito kundi para ilabas lang ang kanyang galit?

Mr. President, nasaan ang pangako mong ikaw ay magiging “prim and proper” na kapag nasa Malacañang na? Nasaan na ang metamorphosis? (Bert de Guzman)