Tatlong bangkay, kabilang ang isang babae, na pinaniniwalaang biktima ng summary execution, ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Navotas City.

Unang natagpuan ng tanod na si Rolando Bermejo sa Chungkang Street sa Barangay Tanza, dakong 6:00 ng umaga, ang bangkay ng isang lalaki na nasa edad 30-35, may taas na 5’2”, at may mga tattoo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakabalot ng duct tape ang ulo ng lalaki, nakagapos ng plastic strap ang mga kamay nito, at tadtad ng saksak sa katawan.

Sa Navotas Public Cemetery sa Bgy. San Jose naman nadiskubre din ng mga nagrorondang tanod ang bangkay ng isang babae at isang lalaki, dakong 2:30 ng umaga.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon kay PO3 Edgar Valera, nakabalot ng duct tape ang ulo ng babae, na nasa edad 30-40, may taas na 5’2” at may tattoo sa likod na “Ramos Falcon”. Nasa 40-45 anyos naman ang lalaki at gaya ng unang bangkay na nadiskubre ay tadtad din ng saksak ang dalawa.

Hinala ng pulisya, sa ibang lugar pinatay ang mga biktima at itinapon lang sa Navotas para mailigaw ang imbestigasyon. (Orly L. Barcala)