4-copy-copy

Pinoy paddlers, namayagpag sa World Championship.

Bagito sa karanasan, ngunit may pusong palaban.

Pinatunayan ng Philippine Team, binubuo ng mga miyembro ng junior at developmental pool, na malalagpasan ang kakulangan sa international exposure kung determinado ang puso’t isipan sa hangaring magtagumpay matapos makopo ang ikatong gintong medalya sa International Canoe Federation (ICF) World Dragonboat Championship nitong Linggo sa Moscow, Russia.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nakopo ng koponan mula sa Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation (PCKDBF) ang kampeonato sa 200-meter 20-seater senior mixed sa tyempong 43.641 segundo.

Ginapi nila ang mas beterano at senior team mula sa host Russia (45.541) at Thailand (45.559). Bumuntot sa kanila ang Canada, Germany at Ukraine.

Bunsod ng panalo, umangat sa tatlo ang nahakot na ginto ng Pinoy bukod sa isang pilak at dalawang bronze medal sa prestihiyosong torneo. May nalalabi pang dalawang event na lalahukan ang Pinoy paddlers.

Naunang nakopo ng Pinoy ang gintong medalya sa 200-meter 10-Seater Junior Mixed sa bilis na 50.853 segundo kontra sa Russia (52.493) at Canada (53.654) pati na rin ang Ukraine, Germany at Czech Republic.

Unang hinablot ng pambansang koponan ang ginto sa unang araw ng torneo sa 500-meter 20 Seater Senior Mixed event sa bilis na 1:55.992 laban sa Russia (1:56.075) at Thailand (1:56.546).

Ipinaliwanag ni PCKDBF national head coach Lenlen Escollante na hindi sumabak ang koponan sa long distance event bunsod nang kakulangan sa miyembro.

“Hindi pa tayo makapag-compete sa long distance event kasi kulang tayo sa member,” sabi ni Escollante. “Hindi naman puwede na iyong nasa sprint distances natin ay isasali rin natin sa long distance dahil magkakaiba talaga iyon ng strokes at masisira ang training at preparation natin,” aniya.

Nabitawan naman nito ang ikaapat sanang ginto sa10-Seater Junior Mixed 500m matapos na kapusin kontra Russia na itinala ang oras na 02:10.508. Gabuhok lamang ang agwat nito sa Pilipinas na may itinalang 2:11.839 habang ikatlo ang Ukraine na may 2:13.428.

Nagkasya rin sa tanso sa 10-Seater Senior Mixed Team 200m sa likod ng Russia (00:49.816) at Thailand (00:50.024).

Ang delegasyon ay binubuo nina Jonne Go, Diomedes Manalo, Norwell Cajes, Chiva Angela Abanilla, Apple Jane Abitona, Raquel Almencion, Rossel Burgos, Patricia Ann Bustamante, Sheryl Caang, Maribet Caranto, Rosalyn Esguerra, Glaiza Liwag, Ella Fe Niuda, Rhea Roa, Kim Gabriel Borromeo, Jordan De Guia, John Lester Delos Santos, Fernan Dungan, Franc Feliciano, Ojay Fuentes, Alex Generalo, Hermie Macaranas, Oliver Manaig, Roger Kenneth Masbate, Reymart Nevado, Daniel Ortega, Lee Robin Santos, John Paul Selencio, Jerome Solis at Christian Urso.