Nagtalaga si Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ng tatlong opisyal na magsasagawa ng imbestigasyon sa pambobomba nitong Biyernes sa Davao City night market, na ikinasawi ng 14 na katao at ikinasugat ng 71 iba pa.

Nagpalabas ng order ang kalihim na nagtatatag sa task force na pangangasiwaan nina Region 11 Prosecutor Janet Grace Fabrero, Davao City Prosecutor Nestor Ledesma, at National Bureau of Investigation (NBI) Southern Mindanao Regional Office chief Arnold Rosales.

Inatasan ni Aguirre ang tatlo “to coordinate with each other and with personnel from other law enforcement agencies with regard to the investigation.”

Itinalaga naman ng kalihim si bagong Justice Undersecretary Antonio Kho Jr. para tumanggap ng periodic report ng task force nang matiyak na mapapanagot ang mga salarin.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kaugnay nito, naglunsad ang DoJ ng fund-raising campaign upang tulungan ang mga biktima at pamilya ng mga ito, at si Aguirre ang unang nag-donate mula sa sarili niyang pera.

“I request all our employees at the DoJ and all our attached agencies to share what they can for the victims of the blast. They need it. This is the time for us to do more, to give more, and to be more,” anang kalihim.

AYUDANG PINANSIYAL

Sa Davao City, naglaan ang pamahalaang lungsod ng P4.5 milyon para ayudahan ang mga biktima ng pagsabog, bagamat hindi inaprubahan ng Konseho ang hiling ni Mayor Sara Z. Duterte na magbukas ng bank account na tatanggap ng mga donasyon mula sa mga pribadong indibiduwal at ipamamahagi sa mga biktima, sa dahilang hindi na kailangan ng siyudad ng panibagong account.

Magkakaloob ng P40,000 ayudang pinansiyal sa bawat isa sa 14 na nasawi sa trahedya, habang ang bawat isa sa 71 nasugatan ay tatanggap ng P30,000.

Sasagutin din ng pamahalaang lungsod ang P260,000 halaga ng gastusin ng mga pamilya ng 10 sa mga nasawi, at pagkakalooban ng meal allowances ang mga nag-aalaga sa mga nasugatan.

Bukod dito, sasagutin din ang pagkain sa libing, habang may kabuuang P257,000 iba pang gastusin ang pinaglaanan din ng pondo.

LIBRENG GAMUTAN

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Department of Health (DoH) Secretary Paulyn Jean B. Rosell-Ubial ang pagpapalabas ng P10 milyon sa Southern Philippines Medical Centre sa Davao City para ayudahan ang mga biktimang nananatili sa pagamutan.

Sa mga nasugatan sa pagsabog nitong Biyernes, 28 pa ang ginagamot sa Southern Philippines Medical Centre.

(JEFFREY DAMICOG, YAS OCAMPO at CHARISSA LUCI)