ISANG karangalan ng Pilipinas na rito idaos ang Miss Universe 2016 Beauty Pageant sa Enero, 2017. Gayunman, ayaw ni President Rodrigo Roa Duterte na ang maging host/emcee ay si Steve Harvey na nagkamali sa paghahayag ng tunay na winner sa Miss Universe 2015 na si Miss Philippines Pia Alonzo Wurtzbach. Sa halip, ang tinawag niya ay si Miss Colombia Ariadna Gutierrez. Ano ka ba Steve, lasing o excited?

Sinabi ni Tourism Sec. Wanda Tulfo Teo na nang ipaalam niya kay Mano Digong na si Harvey ang magiging emcee/host ng Miss Universe 2016, sumagot daw ang Presidente at sinabing “That cannot be.” Ayon daw kay President Rody, kakausapin niya ang mga organizer ng beauty pageant na hindi dapat si Harvey ang mag-emcee. “That’s my problem,” sabi daw ni RRD kay Teo.

Samantala, balak nang alisin ng Department of Tourism (DoT) ang slogan ng nakaraang administrasyon na “It’s More Fun in the Philippines.” Ayon kay Ms. Teo, nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa ilang advertisement company na mag-isip ng bago at sariwang “catchphrase” na tutugma sa “Change is Coming” na slogan ni RRD.

Ang “It’s More Fun in the Philippines” ay slogan ng DoT na pinamumunuan noon ni ex-Tourism Sec. Ramon Jimenez na inumpisahan noong 2012. Sinabi ni Sec. Wanda, kapatid ni Mon Tulfo na nakasama ko noon sa coverage ng Ministry of National Defense at ng PC-INP na pinamumunuan nina Juan Ponce Enrile at Fidel V. Ramos, na “We have a new Philippines. So, the slogan will focus more on the change.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Katugma raw ito ng pangako ng Duterte administration ng PAGBABAGO sa pamamagitan ng pagsugpo sa government corruption, illegal drugs, pagsusulong sa peace and order at iba pang mga programa para sa kabutihan at kagalingan ng mga Pinoy.

Winarningan ni Sen. Leila de Lima sina Justice Sec. Vitaliano Aguirre III at National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran sa kasong perjury bunsod umano ng “pag-iimbento” ng mga ebidensiya laban sa kanya para patunayang siya ay coddler ng mga drug lord na nasa New Bilibid Prison (NBP).

Ayon sa senadora na bukod-tangi yatang may “yagbols” sa hanay ng mga senador at kongresista na lumalaban kay Mano Digong, lahat daw ng bintang at akusasyon laban sa kanya, partikular ang pagkakasangkot sa illegal drugs sa NBP, ay pawang haka-haka o gawa-gawa lamang at walang katotohanan.

Dalawang empleyado ng DOJ na naka-assign sa tanggapan ni De Lima noon, sina Jong Caranto at Bogs Obuses, ay nakipagkita raw kay Sec. Aguirre at dinala sa NBI. Ipinakita raw sa dalawa ang bank accounts na naglalaman ng milyun-milyong piso na nakapangalan sa kanila. Batay umano sa impormasyon ni De Lima, na-shock ang dalawang clerk dahil wala naman silang gayong bank accounts. Well, abangan natin ang mga susunod na kabanata sa labanang Duterte-De Lima!

(Bert de Guzman)