VIENTIANNE, Laos – Sa pagtungo dito ni Pangulong Rodrigo Duterte para makilahok sa 28th at 29th Association of Southeast Asian Nations Summits and Related Summits na gaganapin sa Setyembre 6 hanggang 8, hindi lamang ito ang kanyang magiging unang biyahe sa ibang bansa bilang head of state o unang pagdalo sa isang pandaigdigang pagtitipon.

Sa panahon ng summit, isa pang una para kay Pangulong Duterte ay kapag ipinakilala niya ang sarili at ibinigay ang kanyang pananaw sa mga isinusulong ng kanyang administrasyon, sa iba pang lider ng mundo na kinabibilangan ni United States President Barack Obama.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary for ASEAN Affairs Ma. Hellen dela Vega, magkakaroon ng siyam na bilateral meetings si Duterte depende sa schedule. Kabilang sa makakapulong ng Pangulo sina Russian President Vladimir Putin, Australian Prime Minister Malcolm Turnbull, Narendra Modi ng India at Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Makakasama ng Pangulo sa biyahe sina Foreign Affairs Perfecto Yasay Jr., Trade and Industry Secretary Ramon Lopez at Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa summit, pormal na tatanggapin ng Pilipinas mula sa Laos ang chairmanship ng ASEAN para sa 2017 na magsisimula sa New Year’s Day ng 2017.

Isusulong din ni Pangulong Duterte at ng kanyang delegasyon ang mga pangunahing prayoridad ng Pilipinas sa summit.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng drug-free ASEAN; paggalang sa rule of law; ang minimithi ng bansa para sa legally-binding code of conduct sa pinagtatalunang South China Sea; emergency response at disaster management; proteksyon ng mga manggagawang migrante; paglaban sa trafficking in persons; peace and reconciliation efforts; at paglaban sa terorismo.

Inaasahan din ang pagpatibay sa ilang mahahalagang dokumento sa mga pagpupulon. Ito ay kinabibilangan ng ASEAN Declaration sa “One ASEAN, One Response;” pahayag ng ASEAN Plus Three sa active aging; East Asia Summit Declaration sa mga migranteng nabiktima ng trafficking in persons; ASEAN Declaration para sa out of school children youth, at Vientiane Declaration sa master plan para sa ASEAN Connectivity. (ROY C. MABASA)