4-0 panalo sa PH Chess Team.
Kapwa winalis ng Philippine men at women’s chess team ang kani-kanilang nakasagupa sa pagsisimula ng 42nd World Chess Olympiad upang agad ipadama ang matinding pagnanais makapagtala ng magandang kampanya sa Setyembre 1 hanggang 11 na torneo sa Baku, Azerbaijan.
Binigo ng Philippine men’s team ang Bailiwick of Jersey, isang Crown dependency ng United Kingdom, na makikita sa baybayhin ng Normandy, France kahit hindi kasama ang top woodpusher na si Julio Catalino Sadorra matapos magdesisyon ang koponan na ipahinga para sa mas matinding labanan.
Sinandigan ng seeded 53 na Pilipinas si GM John Paul Gomez (2492) sa Board 1 na tinalo si Candidate Master Paul Wojciechowski 1992) habang nasa Board 2 si GM Eugenio Torre (2447) na tinalo si CM Krzysztof Belzo (2044). Wagi si GM Rogelio Barcenilla (2455) kay CM Garry Forbes (1911) habang inilampaso ni IM Paolo Bersamina ang nakatapat na si Graham Mooney (1840).
Gamit ang puting piyesa ay pinagretiro ni Gomez sa kanyang Sicilian Defence Hungarian Variation opening sa loob ng 50 moves ang kalaban habang tinuruan din ng leksiyon ni Torre sa kanyang malagkit na Queens Pawn opening ang nakasagupa matapos ang 50 moves.
Kinailangan lamang naman ni Barcenilla ng 29 moves sa kanyang King’s Indian Defence (Saemisch Variation) upang itala ang unang panalo habang pinaayaw ni Bersamina ang kalaban sa kanyang Sicilian Defence sa 50 moves.
Binigo naman ng seeded 46th na Philippine women’s team ang seeded 117th na Netherlands Antilles (AHO) tampok ang mabibilis na panalo nina WGM candidate Janelle Mae Frayna at Christy Lamiel Bernales. Tinalo ni Frayna si WFM Ailen Oriana Mena (1715) habang wagi si Bernales kay Arzy Zahia Salim-Moussa (1403).
Wagi din si WIM Jan Jodilyn Fronda (2128) kontra sa unranked na si Mariana Sanchez gayundin si WIM Catherine Secopito kontra unranked Tagesyah Marcos.
Kinailangan lamang ni Frayna ng 25 moves gamit ang Alekhine’s Defence upang talunin si Mena habang ginamit ni Bernales gamit ang itim na piyesa ang French Defence upang magwagi sa loob ng 21 moves kontra Salim-Moussa.
Habang isinusulat ito ay makakasagupa sa Board 35 nang seeded 53rd na men’s team ng Pilipinas na bitbit ang kumpletong apat na puntos kontra sa seeded 39th na Paraguay na may bitbit na 3½ puntos.
Makakasagupa naman sa Board 5 ng seeded 46th na Philippine women’s team na bitbit din ang kumpletong 4 na puntos ang Georgia na tangan din ang kumpletong apat na puntos.
Tinalo ng Georgia ang ICCD, 4-0, habang binigo ng Paraguay ang Kuwait, 3 ½ kontra ½. (Angie Oredo)