NANG ideklara ang martial law noong 1972, ang populasyon ng Pilipinas ay 35.5 milyon lamang. Ang palitan ng piso kontra US dollar noon ay hindi kasing-taas ngayon. Nang mag-alsa ang mga Pinoy kasama ang military noong 1986 at muling nakamtan ang kalayaan, demokrasya at freedom of the press, may mga komento at analysis na nagsasaad na nagawang takutin ng diktador na si Ferdinand E. Marcos ang sambayanang Pilipino sa loob ng maraming taon.

“Naging duwag ang milyun-milyong Pilipino sa pananakot ng diktador”, matalim na komento ng isang manunulat noon matapos mapalaya ang bansa mula sa mga kuko ng diktadurya. Ngayon naman, may nagsusuri at nag-aaral din kung ang kasalukuyang 102 milyong Pinoy ay muling matatakot at titiklop sa bagong presidente na inihalal ng 16.6 milyong tao bunsod ng kanyang political slogan na “Change Is Coming”, at pagsugpo sa illegal drugs na talamak sa ating bayan.

Sa ngayon, parang takot na takot ang taumbayan kay President Rodrigo Roa Duterte (RRD) na ang utos kay PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa barilin at patayin ang pushers o users kapag nanlaban. Aabot na yata sa 2,000 ang napatay na drug pushers at users na nanlaban daw kahit ang armas ay tanging .38 cal. pistol katapat sa malalakas at matataas na kalibreng armas ng police raiding team. Hindi ba ninyo naoobserbahan dear readers na takot na takot ngayon ang mga tao kina Mano Digong at Gen. Bato?

Nagagalit si President Rody kapag may nagkokomento sa paraan ng kanyang pamamahala sa isinusulong niyang “clean government” at drug-free Philippines. Sa isang bansang demokratiko, natural at normal lang ang pagkakaroon ng iba-ibang opinyon at paniniwala. Ngayon, parang nagsiurong ang mga “yagbols” ng mga senador at kongresista na kaygagaling magtalumpati sa English. Parang naging pipi sila at ayaw magkomento nang negatibo sa ginagawa ni RRD.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tanging sina Sen. Leila de Lima at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang may “tapang” na magkomento sa Duterte administration, partikular sa umano’y extrajudicial killings at posibilidad ng anarkiya. Nasaan ang mga “yagbols” ninyo mga Kagalang-Galang na senador at kongresista? Takot ba kayo dahil baka isama kayo ni Mano Digong sa kanyang “drug matrix” o ibulgar ang inyong mga lihim at hiwaga sa multi-milyong pisong PDAF at DAP?

Kakaiba sa ibang mga pulitiko at pinuno ng bansa na itinatago ang kalagayan sa kalusugan, inaamin ni Pres. Rody na siya ay may migraine at “misalignment” sa spinal cord (gulugod). Dahil dito, kinansela ang pagbisita niya sa ilang pulis o sundalo na nasugatan sa pag-raid sa pushers at users. “I have a migraine... I vomited in the morning,” lahad ni RRD. Nagkaroon daw siya ng problema sa gulugod nang maaksidente sa motorsiklo noong siya’y 67-anyos.

Samantala, handa raw siyang mamatay para sa bayan, kasabay ang panawagan sa military na ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa pananakop ng China sa West Philippine Sea. Nais niyang malutas ang territorial dispute sa WPS sa maayos na pakikipag-usap sa China subalit kung ito’y mabibigo, pinaghahanda niya ang AFP sa pakikipag-giyera at pagtatanggol sa ‘Pinas. Nais daw niyang siya ay mamatay nang may dangal at katapangan kung kaya pangungunahan niya ang military at police sa pagtatanggol sa ating teritoryo. (Bert de Guzman)