OSLO, Norway – Sa unti-unting pagkakabuo ng mga piraso ng 47-taon nang palaisipan, nagkasundo ang Philippine Government (GPH) at ang National Democratic Front (NDF) panels noong Martes sa tatlo sa limang isyu na nakakalendaryong talakayin sa muling pagpapatuloy ng pormal na usapang pangkapayapaan.

Sa apat na oras na sesyon sa umaga ay mabilis na nagkasundo ang GPH at ang NDF panel sa pagpapatibay sa mga nauna nang nilagdaang kasunduan, sa bagong listahan ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at pagpapabilis sa proseso ng mga pag-uusap sa socio-economic, political at constitutional reforms, at sa pagwawakas sa mga labanan at pagkilos ng mga puwersa.

“There wasn’t any hit at all. The negotiations went fast and smooth,” sabi ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza.

Ayon kay Dureza, nagsumite ang NDF panel ng inisyal na listahan ng 114 pangalan na nais nitong maisama sa bagong listahan ng JASIG. Ang mga nasa listahang ito ay tinitiyak na bibigyan ng immunity sa pag-aaresto, harassment, at prosekusyon bilang pagkilala sa kanilang partisipasyon sa peace negotiations.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa mga inirekomendang isama sa listahan, 54 ang nakaklaseng “publicly known” o kilala ng publiko, habang pananatilihing lihim at itatago sa mga alyas ang pagkakakilanlan ng 87 iba pa.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, kasalukuyang pinuno ng GPH panel, na lahat ng mga kasunduan na nilagdaan sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino hanggang sa kasalukuyan ay muling pinagtibay “subjects to enhancements” na maaaring mapagkasunduan kalaunan ng dalawang panig.

Kabilang sa mga kasunduan na muling pinagtibay ay ang The Hague Joint Declaration of 1992, Breukelen Joint Statement of 1994, ang JASIG, at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CAHRIL).

Nagbalik sa negotiating table ang magkabilang panig noong Miyerkules para pag-usapan ang dalawa pang nalalabing isyu – ang ceasefire at ang amnestiya para sa lahat ng mga nakadetineng political prisoner, depende sa mapagkakasunduan sa Kongreso.

Samantala, sumama ang pakiramdam ng prominenteng lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Rafael Baylosis habang naghahapunan noong Martes at isinugod siya sa ospital. Bumalik din siya sa hotel kalaunan nang gabi ding iyon.

Sa kasalukuyan, mayroong 44 consultants at staff members sa panig ng NDF, habang ang GPH ay mayroong 33 opisyal at staff.

Ang gastos sa biyahe at tuluyan ng grupo ng NDF ay sinagot ng Royal Norwegian Government (RNG) na naging host ng mga negosasyon simula pa noong 2001. Sagot din ng RNG ang bayarin sa board and lodging ng GPH panel.

(ROCKY NAZARENO)