KAY Coco Martin inihandog ni Arjo Atayde ang napanalunan niyang best supporting actor award sa PEP List Year 3 na ginanap nitong nakaraang Linggo sa Crowne Plaza Hotel.
Sa thank you speech ni Arjo, pinasalamatan niya lahat ng taong nagbukas ng pinto para makapasok siya sa showbiz, nauna ang ABS-CBN management, mga business unit head, mga staff at crew, co-actors, at pinakahuli si Coco.
Matagal na itong naikuwento ni Arjo sa amin, pero hindi namin isinulat. Good thing na naibahagi na niya sa kanyang thank you speech sa PEP List award na tatlong taon na ang nakararaan habang nakaupo siya sa isang tabi ay dumaan si Coco kasama ang ilang marshalls, biglang huminto at kinausap siya at sinabihan ng, “You know what, nagagalingan ako sa ‘yo, one day magkakatrabaho tayo.’
Sa seryeng E-Boy at Dugong Buhay siya napansin ni Coco, bukod pa sa ilang beses niyang paglabas sa Maalaala Mo Kaya.
Inalok si Arjo ng Dreamscape Entertainment para sa ibang serye, pero nagtaka siya kung bakit bigla siyang nawawala sa cast. Ang kuwento niya noon, “I don’t know why I was pulled out, maybe because I gained weight, or maybe my looks or attitude, but I don’t think I had. Then one day they called me up and said I was part of Ang Probinsyano.
“After three years, when I opened the door (storycon), there’s Coco Martin, stood up and hugs me and said, ‘this is what I promised to you’.”
Teary-eyed si Arjo nu’ng ikuwento niya ang mga sinabi sa kanya ni Coco, at bilang pasasalamat sa Primetime King ay itinaas niya ang award at sinabi nga niya na, ‘this is for you.’
Isa si Coco sa iniidolo nang husto ni Arjo sa showbiz, kaya nang makatrabaho niya ang aktor ay wala siyang mapagsidlan ng tuwa at palagi niyang ikinukuwento sa amin at sa pamilya niya kapag nanggaling siya ng taping ng FPJ’s Ang Probinsyano kung anong klaseng tao si Coco Martin.
Kaya huwag nang pagtakhan kung bakit mahal na mahal si Coco ng lahat ng nakakatrabaho niya, dahil ibang klaseng makisama at magbigay ng suporta lalo na sa mga baguhan.
Abut-abot din ang pasalamat ni Arjo sa netizens na bumoto sa kanya, dahil sa kanila ay tinanggap ang best supporting actor award ng Philippine Entertainment Portal. (Reggee Bonoan)