Mga laro ngayon
(Philsports Arena)
4 n.h. -- UST vs NU
6 n.g. -- Ateneo vs TIP
Sisimulan ng University of Santo Tomas at National University ang kani-kanilang quarterfinal campaign sa kanilang pagtatapat ngayong hapon sa unang laro ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa Philpsorts Arena sa Pasig City.
Ang Tigresses ang ikatlong koponan na pumasok sa quarterfinals sa Group B hawak sa naitalang barahang 2-2, habang ang Lady Bulldogs ang topnotcher sa Group A sa naitalang 3-1, kapantay ng San Sebastian College.
Batay sa format, ang top 3 team ng bawat grupo matapos ang eliminations ang uusad sa quarterfinals na isang single playoff round kung saan ang mangungunang apat na koponan ang uusad sa semis.
Sa quarterfinal round bibitbitin ng mga qualifiers ang kanilang record sa eliminations at hindi na nila makakalaban ang mga dating kagrupong koponan.
Inaasahang parehas nang kumpleto ang magkabilang panig sa kanilang paghaharap kung kaya’t matinding pukpukan ang matutunghayan sa pagtatapat ng Tigresses at Lady Bulldogs kung saan magkatunggali ang dating magkakamping sina Jaja Santiago at Cherry Rondina.
Sa tampok na laro, pag-aagawan naman ng Ateneo at Technological Institute of the Philippines ang ikatlo at huling quarterfinals berth sa Group A sa kanilang pagtutuos ganap na 6:00 ng gabi.
Naitakda ang nasabing playoff match nang tumabla ang Lady Eagles sa Lady Engineers sa barahang 2-2, kasunod ang naitalang 25-15, 27-25, 25-17 panalo ng Ateneo sa defending champion NU noong nakaraang Miyerkules. (Marivic Awitan)