Libu-libong pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan ang sibak sa pwesto matapos na ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakante na ang kanilang tanggapan, at ikinukunsiderang ‘resigned’ na ang mga ito.
Apektado ng sorpresang sibakan ang regional at provincial heads, lalo na ang presidential appointees ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon, maliban lang sa Cabinet at career officials.
Ang hakbang ay kasunod ng umano’y hindi masugpong korapsyon sa pamahalaan na lubhang ikinairita ng Pangulo.
“You know my mouth is, they say ‘lousy’. But I would like to issue a warning that on Monday, I would declare all positions in the government that were presidential appointments or if you are there because of the presidential appointments, I will declare all your positions all throughout the country vacant,” ayon sa Pangulo sa kanyang press conference sa Panacan, Davao City.
Batid ng Pangulo na libu-libong pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan ang maaapektuhan sa nasabing hakbang, kung saan inatasan nito ang mga deputy na sila ang pansamantalang mamuno para sa tuluy-tuloy na operasyon ng kanilang tanggapan.
”It will number in thousands, consider yourself in the crucible of the truth about corruption in this country. I hate it. I do not want to give the slightest headache to my fellow human being,” ani Duterte.
Samantala muli nitong binanggit ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation, Regulatory and Franchising Board (LTFRB) bilang pinaka-corrupt na ahensya, samantala pinakamahina at mabagal naman ang Government Service Insurance System (GSIS).
Pinagre-report ng Pangulo ang mga opisyal ng LTO at LTFRB sa Malacañang ngayong araw.
(Antonio L. Colina IV at Beth Camia )