Isang Pilipino na nagnanais makalaro sa NBA ang nagpahayag ng pagnanais makasama sa Philippine national team.
Ito ay si Kobe Paras, anak ng natatanging Rookie of the Year at Most Valuable Player (ROY-MVP) sa PBA na si Benjie Paras.
Nagpahayag ng kanyang pagnanais na makapaglaro sa Gilas Pilipinas ang mas bata na Paras matapos na umatras naman sina Kiefer Ravena at Bobby Ray Parks Jr. na sumabak sa FIBA Asia Challenge Cup sa susunod na buwan upang magtuon sa kanilang nais abuting pangarap.
Ang pagnanais ng papasok pa lamang na Creighton rookie ay inilagay nito sa kanyang Twitter account Huwebes kung saan iniisip nito ang posibilidad na maglaro sa national team ‘right now.’
“Playing for Gilas sounds good right now,” sabi ni Paras sa kanyang retweet sa istorya ng Slam Philippines story nina Ravena at Parks na hindi pagsali sa Fiba Asia Challenge Cup.
Gayunman, inaasahang mahihirapan si Paras na makasama sa line-up kahit na gustuhin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) dahil hindi siya kasama sa unang 24-katao na line-up na isinumite ng samahan sa FIBA Asia para sa Challenge cup.
Hindi din sigurado ang pamamalagi ni Paras sa koponan bagaman malaking tulong sa binubuo na bagong representante ng bansa sa basketball.