Nagaganap na ang giyera sa pagitan ng mga sindikato ng ilegal na droga, kung saan sila mismo ang nagpapatayan at nag-uubusan ng galamay.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald dela Rosa, dahilan umano upang dumami pa ang napapaslang na may kaugnayan sa droga.
“These alleged vigilante killings, it turned out, is syndicated killings. Groups in illegal drugs,” ayon kay Dela Rosa sa idinaos na press conference sa Camp Crame kahapon.
Ang drug war sa pagitan ng mga sindikato ay nabatid, base na rin sa imbestigasyon ng pulisya.
Magugunita na sinabi ni Senator Panfilo Lacson na kada araw, halos 20 katao ang napapatay. Samantala mahigit na sa 600 katao ang napapaslang sa lehitimong police operations, at lumobo naman ang bilang nito dahil sa vigilante killings.
Ihahayag umano ni Dela Rosa ang resulta ng imbestigasyong isinasagawa ng Directorate for Investigation and Detection Group (DIDM), kasama na dito ang analysis sa extrajudicial killings at ‘cardboard justice’.
“You will be surprised when we release the data, which include facts on who are killing one another,” ani Dela Rosa.
Sa susunod na linggo, si Dela Rosa at iba pang police officials ay dadalo sa pagdinig na ipinatawag ni Senator Leila de Lima.
Tiniyak ni Dela Rosa na hindi maaapektuhan ang laban ng pulisya sa droga at drug lords, kung saan tatapusin umano ito ng kapulisan sa loob ng anim na buwan.
Wala nang awatan
“There is no way to stop it now. There can be no stopping of the momentum until I have destroyed the apparatus.” Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kampanya nito laban sa droga.
“Lalabas ako dito medyo kontrabida o with stained hands, maybe soaked with blood but there is no way to stop it now,” ayon sa Pangulo na nagsabing kapag hindi nadurog ang mga sangkot sa ilegal na droga ngayon, mas mahihirapan ang gobyerno pagkalampas ng anim na taon.
Hindi rin umano tatanggapin ng Pangulo ang kahirapan bilang excuse sa pagkakasangkot sa droga.
“Talagang pipigilan ko itong nasa sidewalk – araw, gabi nandiyan iyan, peddling harap-harapan. Until I shall have destroyed them, we can never, never have peace in our land,” ayon sa Pangulo. (Aaron Recuenco at Elena L. Aben)