Isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi nang masagasaan ng isang rumaragasang taxi sa Sampaloc, Manila nitong Linggo ng madaling araw.

Sa halip namang tulungan ay tinakbuhan pa ng hindi kilalang taxi driver ang biktima na inilarawan lamang na nasa halos 50-anyos ang edad, may kaliitan, at nakasuot ng kulay orange na t-shirt at shorts.

Nabatid sa inisyal na report ni SPO2 Bert Francisco, ng Vehicular Traffic Investigation Section ng Manila Police District (MPD)-Special Investigation and Detection Branch, na dakong 12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa eastbound lane ng España Boulevard, malapit sa kanto ng Josefina Street sa Sampaloc.

Naglalakad lamang umano ang biktima sa lugar nang masagasaan ito ng isang rumaragasang taxi.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Sa tindi ng impact ng aksidente ay tumilapon ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo.

Isinugod pa sa United Doctors Medical Center ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival ng mga doktor.

Nakuha naman ng mga testigo ang plate number ng taxi na UVR-972, at biniberipika na ng mga awtoridad kung sino ang nagmamaneho nito, nang maganap ang insidente. (Mary Ann Santiago)