Kabuuang 14 na regional training center sa bansa ang inaasahang itatag para maisulong ang programa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng Philippine Sports Institute (PSI).

Ito ang napag-alaman kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez matapos makuha ang suporta mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano na magbubukas para sa mas detalyadong pagsasanay at paghahanap ng mga batang atleta na posibleng maging world-class.

Ikinatuwa mismo ni Duterte sa ginanap na press conference matapos ipatawag si Oympic silver medalist Hidilyn Diaz sa Presidential Guest House sa Panacan noong Huwebes ang plano ni Ramirez.

“Butch has a very good plan in grassroots development. We can get talents from other places. Historically, it’s always been Manila that has become the epicenter (of development) and talents in far-flung areas in the country hardly get noticed,” pahayag ni Duterte.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ipinaalam din ni Ramirez na nasa bansa na si Mark Velasco, ang Pinoy na nangansiwa ng Hong Kong Institute of Sports.

Maliban sa malawakang grassroots program, nakatuon ang PSI sa pagpapalakas sa mga priority sports tulad ng archery sa Dumaguete City, weightlifting sa Zamboanga City at diving sa Panacan, Davao City.

Inaasahang mamumuno sa diving sina Olympian at Davao native sina Sheila Mae Perez, Zardo Domenios at Rexel Ryan Fabriga na nagsimula ng kanilang diving career sa Philippine Naval Base sa Camp Panacan.

Asam naman ni Diaz na bilhin ang katabing lote sa kanilang bahay sa Mampang kung saan nais nitong magtayo ng isang weightlifting gym para sa mga batang weightlifters sa Zamboanga.

Naghahanda na ang bansa para sa paglahok sa Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Malaysia sa 2017, sa Asian Games sa Indonesia sa 2018, sa muli nitong paghohost sa ikaapat na pagkakataon sa SEA Games sa bansa sa 2019 at sa Tokyo 2020 Olympics. (Angie Oredo)