HINDI na dapat pang ipanakot ni President Rodrigo Roa Duterte ang pagdedeklara ng martial law bunsod ng sagutan nila ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos ihayag sa publiko ng Pangulo ang umano’y pitong hukom na sangkot o mga coddler ng drug trader, pushers, users. Sa pitong hukom na binanggit, ang isa ay patay na, ang pangalawa ay tinanggal sa puwesto, at ang pangatlo ay retirado na. Samakatuwid, apat lang ang dapat na nasa listahan ni Mano Digong.
Pinayuhan ni CJ Sereno ang mga huwes na huwag susuko sa pulisya hanggat walang warrant of arrest. Nagalit ang machong presidente at sinabihan si Sereno na huwag humarang sa kanyang anti-drug campaign na inilulunsad at pagsugpo sa illegal drugs sa loob ng 3-6 na buwan. O, baka raw ang gusto ni Sereno ay magdeklara siya ng martial law para walang hahadlang-hadlang. Ang katwiran ni Sereno, tanging ang SC ang may poder na dumisiplina o magtanggal ng sino mang kasapi nito.
Parang natauhan si President Rody nang tumanggap ng negatibong reaksiyon ang bantang martial law dahil lang sa pahayag ni CJ Sereno na hindi dapat susuko ang nabanggit na mga hukom sa pulisya. Ayon kay Duterte, hindi naman niya pinasusuko at ipinadarakip ang mga huwes sa mga pulis. Batay sa Constitution, hindi basta-basta makapagdedeklara ng martial law ang isang pangulo. Puwede lang ito kung may nagaganap na rebelyon, pag-aalsa o nasa imminent danger ang Republika o Estado.
Anyway, nag-apologize na ang pangulo sa Punong Mahistrado.
Ang martial law declaration ay kailangan ding may concurrence ng Kongreso. Maaari ring tanggihan ng Kongreso ang idineklarang martial law ng pangulo. Ito ay may bisa lamang sa loob ng 60 araw at obligado ang pangulo na mag-ulat dito. Samantala, sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar na hindi naman tahasang nagbanta si RRD ng deklarasyon ng martial law sa pakikipagsagutan sa Punong Mahistrado.
Isa lang daw itong rethorical question o pagtatanong kay Sereno ng: “O, kailangan pa bang magdeklara ako ng martial law upang maipatupad ang paglipol sa illegal drugs?”. Dapat malaman ng Duterte administration na ayaw na ng mga Pinoy sa martial law na una nilang naranasan noong Marcos regime. Noon, ipinasara ni FM ang Kongreso, ikinandado ang mga tanggapan ng media, walang press freedom, ginawang tuta ang Supreme Court, sinupil ang oposisyon, pinayaman ang mga crony, at ipinuwesto ang mga paboritong heneral sa loob ng maraming taon.
Medyo kinabahan yata si Mano Digong sa pahayag ng US State Dept na nababahala ito sa nagaganap na extrajudicial killings sa ‘Pinas kaugnay ng drug war ng pangulo. Nagalit din ang US kay RRD dahil sa “inappropriate remarks” na si US Ambassador Philip Goldberg ay isang “gay” o bakla. Si Goldberg daw ay isang respetado at batikang ambassador.
Nagbago ng tono si President Rody nang ihayag niya na ang PHL-US Alliance ay mananatiling matatag at malakas. Bulong sa akin ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Aba, umurong yata ang yagbols ni Digong. Isang pitik lang ng US sa kanya, tiyak talsik sa puwesto.” Oo nga naman Mano Digong, dahan-dahan ka sa pagsasalita laban sa US. Ito pa rin ang nag-iisang superpower sa mundo. Hindi ka naman makahihingi ng tulong sa China sapagkat ngayon nga ay inookupa na ang teritoryo natin sa West Philippine Sea at ang mga bigtime drug lord ay galing sa kanila!