Nina Ellalyn B. De Vera at Rommel Tabbad
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa posible pang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na hatid ng monsoon rains.
Ayon sa PAGASA, ang tuluy-tuloy na pag-ulan ay mararanasan sa Albay, Sorsogon, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Occidental Mindoro, Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Zambales at Bataan.
Ang Metro Manila ay makakaranas din ng mahina at panaka-nakang pag-ulan.
Sa Visayas at ibang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng maulap na kalangitan, samantala ulan, kulog at kidlat naman ang mangingibabaw sa Mindanao.
Sinabi ng PAGASA na hanggang Martes ay may monsoon rains na pwedeng magdulot ng baha at landslides sa Metro Manila, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Occidental Mindoro, Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.
Red alert
Kahapon, itinaas ang red alert sa La Mesa Dam sa Quezon City matapos umabot sa 79.62 meters ang water level nito, kung saan pinangangambahan ang pag-apaw ng tubig dahil sa tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan.
Sa report, 0.53 meters na lang ay aapaw na ang tubig na lilikha ng baha.
Inilikas na ang mga residente sa paligid ng Tullahan River dahil sa pangamba sa baha.
Kapag umapaw ang tubig, posibleng maapektuhan ang mga komunidad sa Fairview, Forest Hills, Quirino Highway, Papri, Goodwill, Sta. Quiteria, at San Bartolome sa Quezon City, Barangay Ligon sa North Luzon Expressway sa Valenzuela, at Malabon.
Metro Manila binaha
Kahapon din, dahil sa malakas na ulan simula pa noong Biyernes ay binaha ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Base sa 24-hour rainfall monitoring ni PAGASA weather observer Nelson Goli, ang ulan ay umabot sa 154.8 millimeters (mm) simula 8 a.m. noong Biyernes hanggang 8 a.m. kahapon.
Ang low pressure area (LPA) sa norte ng Batanes at tropical cyclone sa Pacific Ocean na may international name na ‘Conson’ ang pinanggagalingan ng malakas na ulan at hanging habagat.