Team USA, nakasalba sa tikas ng Aussie cagers.
RIO DE JANEIRO (Reuters) – Nagtayuan ang balahibo ng mga tagahanga ng US basketball team at hulog ng langit ang opensa ni Carmelo Anthony sa krusyal na sandali para mailigtas ang all-NBA team sa kahihiyan sa makapigil-hiningang 98-88 panalo kontra Australia nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa men’s basketball elimination ng Rio Olympics.
Dikit ang laban sa kabuuan at may pagkakataon na nalamangan ang US, kabilang ang 72-70 sa pagbubukas ng fourth period.
Sa krusyal na sitwasyon, si Anthony – pinakabeterano sa grupo sa kanyang ikaapat na Olympics – ang nagsalba sa Americans sa matikas na outside shooting, tampok ang apat na three-pointer sa final period para mapanatili ang liderato sa Group A tangan ang 3-0 karta at hilahin ang Olympic winning run sa 20-0.
Hataw si Anthony, pamosong shooting guard ng New York Knicsks, sa naiskor na 31 para luksuhan sina David Robinson at LeBron James sa listahan ng mga nangungunang scorer ng US Team sa Olympics.
"Carmelo was magnificent," sambit ni US coach Mike Krzyzewski.
Naitala ni Anthony ang kabuuang 293 puntos sa Olympic competition, 20 puntos ang bentahe kay James, na umatras sumabak sa Rio. Pangatlo si David Robinson (270) kasunod sina Michael Jordan (256) at Charles Barkley (231).
Tangan ni Brazilian legend Oscar Schmidt ang record na 1,093 puntos.
Nag-ambag si Kyrie Irving, ipinanganak sa Melbourne at isang beses na naglaro para sa Australia, ng 19 na puntos, tampok ang three-pointer, may 1:35 ang nalalabi para mapanatili ang bentahe sa US.
"I don't think we played our best game but we pulled it out," pahayag ni Anthony sa post-game interview.
"Tonight we came together as a team and guys stepped up at different points."
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin natatalo ang US simula ng makamit nila ang bronze medal sa 2004 Athens Olympics.
"We thought we could compete with these guys and in the first half we showed that," sambit ni Australian point guard Matthew Dellavedova, tumulong sa Cleveland Cavaliers na magwagi ng NBA title noong Hunyo. "We knew we could play with anyone coming in.
"There is no intimidation factor and there shouldn't be. We all play basketball and do the same thing, so we will focus on our next two pool games and go from there.
"This was a very good night for us." Isinalin ni Lorenzo Jose Nicolas