Bahagi lang umano ng bukambibig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tanong nito kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, kung mas gusto ng huli na magdeklara ng martial law ang Pangulo.
Ito ang tiniyak ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, kung saan mananaig pa rin umano ang limitasyon ng kapangyarihan ng Pangulo sa kanyang laban sa ilegal na droga.
“The President merely asked a rhetorical question and said it under the context that his anti-drug campaign cannot wait for the slow wheels of justice – PH style,” pahayag ni Andanar.
Sinabi nito na ‘action man’ umano si Pangulong Duterte na naniniwala sa “justice delayed is justice denied.”
Gusto lamang umano ng Pangulo na ang lahat ay kumikilos sa pagsawata sa ilegal na droga.
Hinggil sa hiwalay na kapangyarihan ng executive branch at judiciary, sinabi ni Andanar na hindi ito maliliitin ng Pangulo, gayundin ang pagsikil sa karapatan ng taumbayan, habang isinasagawa ang kampanya laban sa droga.
Mula kahapon, tumanggi nang magpalabas ng pahayag ang SC hinggil dito.
Ang pahayag ni Pangulong Duterte ay kasunod ng sinabi ni Sereno na hindi dapat sumuko ang mga judges na inaakusahang sangkot sa droga hangga’t walang warrant of arrest.
Binuksan ng SC ang imbestigasyon sa judges, kung saan pinagsusumite ng reklamo ang Palasyo sa loob ng pitong araw.
(Genalyn Kabiling)