Hero’s welcome kay Diaz sa Panacañang.

Sa piling ng kanyang mga kaanak at kapwa Mindanaoan matitikman ni Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz ang pagpupuri at parangal na karapat-dapat sa isang bayaning atleta.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naghihintay at sasalubong kay Diaz sa Panacañang – tinaguriang Malacañang of the South – sa pagdating ng Zamboanga City pride ngayon mula sa matagumpay na kampanya sa XXXI Olympiad sa Rio, Brazil.

“Instead in Manila, a hero’s welcome for Hidilyn is set in Davao City. President Duterte will meet her at the Panacañang,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Charles Maxey.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Naunang plano ang ‘hero’s welcome’ sa 25-anyos na si Diaz sa Manila sa kanyang pagdating ganap na 4:30 ng hapon, ngunit hindi nakabalik pa-Maynila ang Pangulong Duterte mula sa kanyang pakikipagpulong sa Davao dahil sa masamang panahon.

“PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez is already in Davao City to facilitate the program,” aniya.

“Kami, kasama ‘yung parents ni Hidilyn ang sasalubong sa kanya sa Manila International Airport, then we proceed for out flight to Davao City.”

Pinasundo umano ni TV5 president Manny V. Pangilinan gamit ang pribadong eroplano ang mga magulang ni Hidilyn sa Zamboanga City.

Nakatakdang tanggapin ni Diaz ang P5 milyon cash incentives mula sa pamahalaan, gayundin ang pabahay na kaloob ng 8990 Deco Homes na nakabase sa Davao City.

Kasaysayan ang naukit ni Diaz nang pagwagihan ang silver medal sa women’s 53 kg. class ng weightlifting sa Rio Games.

Pinawi niya ang 20 taong pagkauhaw ng sambayan sa Olympic medal matapos ang huling pagwawagi ng silver medal si boxer Mansueto ‘Onyok’ Velasco noong 1996 Atlanta Games.

Si Diaz ang kauna-unahang Pinay at tanging atleta na nagmula sa Mindanao na nagwagi ng Olympic medal sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa quadrennial Games. Siya rin ang unang weightlifter na nakamedalya sa Olympics at kung hindi madadapuan ng suwerte ang nalalabing atleta na sumasabak pa sa Rio, siya ang tanging medalist sa 13-man RP delegation na isinabak sa tinaguriang ‘Greatest Show’ sa mundo.

Nakatakda pang lumaban sa athletics sina long jumper Marestela Torres-Sunang, marathoner Mary Joy Tabal at Fil-Am Eric Cray sa 400-meter hurdles simula bukas.

Sisimulan din ni Miguel Tabuena ang kampanya sa golf, habang magsisimula ang taekwondo competition kung saan sasabak si Kristine Alora sa Agosto 14. (Edwin Rollon)