HINAY-HINAY lang sa panghuhuli ng Pokemon kung ayaw mong ikaw ang mahuli!
Hindi mapigilan ng mga Pinoy ang pagkahumaling sa augmented reality show na Pokémon Go simula nang maging available ito sa Pinas nitong nakaraang Sabado. Naging trending topic pa ito sa Twitter na umabot ng 600,000 tweets.
Dahil dito, nagpapaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa posibleng panganib na maidudulot ng paglalaro nito.
Sa tweet ng LTFRB, pinaalalahanan nito na bawal ang paglalaro ng Pokemon Go habang nagmamaneho.
“All PUV drivers are reminded that playing #PokemonGo while driving is prohibited. Please report violators to us so we can catch ‘em all,” ayon sa pahayag.
Ang mahuhuli na lalabag ay papatawan ng Distracted Driving Act na may multang P15,000.
Nagbigay din ng babala ang MMDA na iwasan ang paglalaro ng Pokémon Go habang tumatawid sa kalsada at ituon ang mga mata sa nilalakaran, maging alisto sa mga snatcher, at iwasan ang trespassing sa mga hindi pampublikong lugar.
Kamakailan, dalawang kabataang hayok na naglalaro ng Pokémon Go ang natagpuang nakalagpas sa border ng U.S patungong Canada ayon sa United States Border Patrol. Hindi napansin ng dalawa na seryosong nakatutok sa kanilang cellphone na nakalagpas na pala sila ng border.
Naiulat din na isang kabataan sa Wyoming, USA ang nasawi habang naglalaro ng Pokémon Go, at may grupo ng mga magnanakaw sa Missouri ang nanloko ng walong naglalaro ng Pokémon Go sa isang lugar gamit ang parte ng laro na “Pokestops”
Kaya bago pa tuluyang mahumaling sa app na ito, tiyakin muna na hindi panganib ang aabutin sa panghuhuli ng Pokemon.