NASA kasagsagan na talaga ang matindi at madugong kampanya kontra droga ng Philippine National Police (PNP).

Sa nakalipas na dalawang buwan, umaaabot na sa 660 hinihinalang drug pusher at user ang napatay. Sa nasabing bilang ng naitumba, 436 ang napatay sa mga police operation, at 224 naman ang pinatay ng mga pinaghihinalaang vigilante.

Paliwanag ng mga pulis, ang mga suspek ay nanlaban, nakipagbarilan at nang-agaw daw ng baril. Sa ganitong paliwanag, hindi naman maiwasan ng ilan nating kababayan ang magtanong: Bakit laging kalibre 38 baril ang hawak ng mga napatay?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung nakipagbarilan, bakit walang pulis na nagurlisan o nasugatan?

Naninindig naman ang balahibo at kinikilabutan ang iba nating kababayan sa nakikitang duguang mga bangkay ng mga napatay habang iniimbestigahan ng SOCO team ng PNP. Binabalot, inilalagay sa stretcher at binubuhat ng mga tauhan ng punerarya ang bangkay. Ang mga kamag-anak ng napatay ay halos maglupasay, malakas ang panaghoy, habang ang iba ay nagsusumigaw sa paghingi ng katarungan.

Sa patuloy na kampanya ng PNP kontra droga at sa pagtutumba sa mga pinaghihinalaang drug pusher at user, patuloy namang naaalarma at nababahala ang mga human rights group, kabilang na ang Commission on Human Rights (CHR). Sa laki ng problema, biro ng isang Rizalenyo, lalong humaba ang balbas ng CHR chairman.

Sinabi naman ni Senador Leila de Lima na maghahain siya ng resolusyon sa Senado upang imbestigahan ang nagaganap na extrajudicial killings. Ngunit binatikos siya ni Solicitor General Jose Calida na nagsabing hindi raw in-aid of legislation ang balak ni Senador de Lima, kundi in-aid of media mileage. 

Naalarma na ang maging ang mga international human rights group at news organization sa pagpatay sa mga pinagsususpetsahang drug pusher at user sa bansa. Noong Agosto 3, ang United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) ay hiniling na itigil ang extrajudicial killings. Inilarawan nila ito bilang paglabag sa mga pangunahing karapatan at kalayaan.

Natawag na rin ang pansin ng international media sa madugong kampanya kontra droga sa Pilipinas. Inilathala sa isang magasin ang viral photo ng isang walang buhay na pinaghihinalang drug pusher habang kalong ng tumatangis niyang asawa. Nalathala pa ito sa front page ng New York Times.

Bukod dito, nabalisa na rin si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga pagpatay sa bansa. Sa isang pahayag, nalungkot siya kung bakit ang bansa natin ay naging killing field sa panahon na ang pamahalaan ay pinalakas ang kampanya laban sa illegal drugs.

Naitanong pa ni Archbishop Villegas na sa hangarin nating awala ang drug addiction, tayo ba ay hindi nagiging isang bansa ng killing field? Ang katauhan ng Arsobispo ay nagdurugo, aniya, sa bawat oras na isang kapwa tao ang pinapatay. Lumuluha sa bawat oras na makita na may magulang at anak na nagdadalamhati sa kanilang mahal sa buhay na pinatay sa tabi ng daan o itinapon sa madamong lugar. Nakagapos at nababalot ng packaging tape.

Lumuluha rin ang sangkatauhan sa mga kapwa tao na walang pakundangan sa pagpatay sa paniwalang ang kanilang pagpatay ay nakababawas ng kasamaan sa mundo. Nalulungkot siya sa mga pumatay at pinatay. Hindi tayo nagiging makatao kung pinapatay natin ang ating mga kapatid.